
Ikinuwento ni Marian Rivera ang kaniyang pinaghuhugutan ng lakas ngayong humaharap ang mundo sa pagsubok dahil sa COVID-19 pandemic.
Ibinahagi ito ng Kapuso Primetime Queen sa ginanap na media conference para sa 4th anniversary Tadhana ngayong November 8.
Kuwento ni Marian sa entertainment writers, "Lahat naman tayo ay na-shock talaga sa nangyari sa atin sa pandemyang ito, hindi ba? Pero bilang nandito na ito, minsan nag-uusap kami ni Dong (Dingdong Dantes) na ano'ng gagawin natin? Hindi naman puwedeng maghintay tayo na maging ganito."
Photo source: @marianrivera
Ayon sa Tadhana host, sa tulong ng kanyang asawang si Dingdong Dantes ay nagiging matatag at positibo ang pananaw niya sa buhay para na rin sa kanilang mga anak na sina Zia at Sixto.
"Gawin mong positibo talaga ang environment na ito. Malaking factor rin na nandiyan ang asawa ko na kaming dalawa ay nag-uusap, nagtutulungan. Higit lalo may anak ako, na kailangan kong maging matatag at malakas para sa kanila. Hindi ako puwedeng maglugmok kasi 'yung anak ko nag-aaral. Kailangan kong i-explain sa kanila kung ano ang buhay ba meron ngayon."
Ipinaliwanag rin ni Marian na nakakatulong ang kanyang pananampalataya para siya ay maging matatag.
"Siyempre, sa tulong ng taas. Hindi naman puwedeng wala Siya. 'Pag malakas ang faith mo, malakas ang kapit mo sa Kanya, sure ako na hindi ka Niya pababayaan."
Dugtong pa niya, "Ipapaliwanag Niya mismo kahit natutulog ka, 'Anak, ito ang dapat mong gawin, at ito ang mangyayari ngayon.'"
Ipinaalala naman ni Marian na ang lahat na dinaranas natin ngayon ay lilipas din. Ayon sa Kapuso star, kailangan lamang na magtulungan ang bawat isa para malampasan ang mga pagsubok sa pandemyang ito.
"Maganda siguro na maiisip mo talaga na lahat ng ito ay lilipas din. Kung magtutulungan tayo, makakaya natin ito.
"Bilang positibo kang tao, mas mabuting i-share mo 'yan sa mga nakapaligid sa'yo para dumami tayong mas positibo sa buhay, na kakayanin natin ang pagsubok na 'to."
Abangan ang pagsisimula ng 4th anniversary ng Tadhana simula ngayong November 13 sa GMA.
RELATED CONTENT:
Dingdong Dantes flexes Marian Rivera's new achievement
It only took three days for items in Marian Rivera's clothing line to sell out