
Kinikilig si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa suportang natanggap mula sa Vietnamese fans sa pagbisita niya kamakailan sa Ho Chi Minh City.
Sa interview ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras, ipinarating ni Marian kung gaano siya kasaya sa kanyang pagpunta sa Vietnam.
"Kinikilig ako na hindi ko maipaliwanag 'yung nararamdaman ko nu'ng mga panahon na 'yon. Ang [masasabi] ko lang, napaka-blessed ko para maka-experience ng ganito sa ibang bansa," sabi ni Marian.
Sa kanyang Instagram post, ibinahagi ni Marian ang mainit na pagtanggap sa kanya ng Vietnamese fans sa airport kung saan nagpa-selfie, autographs, at nagbigay pa ang mga ito ng regalo sa kanya.
"'Yung mga tao do'n sobrang sweet, sobrang bait. Alam mo 'yung parang sabi ko, 'Wow! Homecoming ko ba ito?"
Mahigit isang dekada na ang nakalilipas nang huling bumisita si Marian sa Vietnam. Nakilala siya ng Vietnamese fans nang ipalabas dito ang ilan sa pinagbidahan niyang Kapuso series tulad ng Dyesebel.
Isa si Marian sa mga napili ng Hacchic Couture para rumampa bilang star model para sa kanilang latest collection, kung saan agaw pansin ang Kapuso actress sa show's finale walk suot ang elegant white bridal gown.
Sa interview, ikinuwento ni Marian ang natanggap na imbitasyon mula sa Vietnamese brand.
Ayon kay Marian, napansin ng Vietnamese designer ang suot niyang dress nang mag-renew sila ng wedding vow ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes sa kanilang 10th anniversary, kung saan ang kanyang white dress ay mula sa nabanggit na Vietnamese brand kaya inimbitahan siya sa kanilang fashion event.
"Magkakaroon kami ng event gusto naming parang maging muse si Marian, possible kaya? Parang sabi ko naman, bakasyon 'yung kids for one week, sabi ko ay 'Baka God's will kasi bakasyon 'yung mga kids.' Sabi ko, 'Sige, try ko, gawin ko.'"
Related content: Marian Rivera graces Vietnam fashion event and meets fans