
Malapit na ang pagbabalik sa GMA Prime ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa pamamagitan ng upcoming series na My Guardian Alien.
link:
Proud si Marian sa kaniyang bagong proyekto na tiyak daw tatatak ito sa puso ng mga bata. Kamakailan lang din siya mismo ang nanguna sa isang book reading sa dalawang elementary school sa Quezon City.
Dahil sa masayang karanasan nila kasama ang mga bata, binabalak din gawing libro ang istorya ng naturang palabas.
Sa isang panayam sa 24 Oras, ibinahagi ni Marian tungkol sa pinaplanong aklat ng programa.
"Doon sa libro na iyon, parang kapupulutan talaga ng aral na hindi dapat tayo humusga ng kapwa natin kung meron kakaibang kaanyuan nakikita sa kanila. Instead, bakit hindi natin hintayin na ipakilala nila ang sarili nila. Malay mo, kala mo kaka-judge mo, e, mas magiging best friend mo.
"So, matuto tayong wag maghusga ng kapwa natin at bigyan ng chance ang mga taong medyo may kakaibang kaanyuan na hindi dapat nating pinagtatawanan at binibigyan nating puang sa puso natin na mas mahalin natin sila," sabi niya.
Maliban dito, ikinuwento rin ng Kapuso aktres ang mga paboritong bonding niya kasama ang iba pang cast sa set. Madalas daw nagkukulitan sila off-cam at mahilig sila kumain at sumayaw nang magkakasama.
Para kay Marian, ang mga makukulit sa shoot ay "si Rafael [Landicho] at saka si Kiray [Celis], at saka si Christian [Antolin]. Actually, kaming apat yung mas madalas magkakasama. Even Max Collins nagiging makulit dahil sa amin.Nahahawa na siya."
Sinabi rin ng aktres na nakakakuwentuhan niya ang kaniyang co-star na si Gabbi Concepcion. Dahil sa mga istoryang naibabahagi sa kaniya, pinili ni Marian ang aktor sa tanong na kanino siya makikipagpalit ng buhay sa loob ng isang araw.
"Si Kuya Gabbi siguro kasi kapag nagkukwentuhan kami, nakikita ko kung gaano din siya kalalim na tao, kung gaano pagmamahal din sa pamilya niya," sabi ni Marian.
Nang tanungin naman ang Kapuso aktres kung maari ba mag-guest ang kaniyang mga anak sa palabas, ang sagot niya, "Nirerespeto din namin ang privacy ng mga bata but not to the point na tinatago namin. Kasi syempre, kung ano man meron kaming ipinapakita sa social media is katiting lang iyon kung anong nangyayari sa totoong buhay namin at hindi namin pagkakaitin sa mga taong sumusuporta at nagmamahal sa amin."