
Nagsalita na si Marian Rivera kung bakit hindi na niya itutuloy ang pagganap sa inaabangang Kapuso primetime series na First Yaya.
Nitong Sabado, September 12, nakapanayam ng entertainment press si Marian sa pamamagitan ng isang video conference at dito niya nilinaw ang balitang nag-back out na siya sa kanya sanang pagbibidahang programa.
Ayon sa Kapuso actress at mom of two, ikinalulungkot niya na hindi na niya magagampanan ang isang character na binuo para sa kanya. Ngunit, aniya, ang kaligtasan ng kanyang pamilya at ang pag-aasikaso sa kanyang mga anak na sina Zia at Ziggy ang mga pangunahing rason kung bakit kinailangan niyang tanggihan ang pagbabalik-taping.
Bahagi niya, “Hinulma 'tong character na 'to para sa akin. At nung press con namin, sinabi nilang ginawa talaga 'yung First Yaya ayon sa kapasidad na magsuswak sa akin. Eh nagkaroon ng pandemya. Kinausap ko ang GMA kung paano 'yung magiging protocol nila sa taping. Sinabi nila may lock-in, hindi muna uuwi, or nandun lahat, parang Descendants [of the Sun] na parang nandun lahat.
“Sabi ko, 'Naku, parang mahihirapan 'ata ako d'yan.' Gustong-gusto kong gawin ang First Yaya, nakakasa na ako d'yan. Buong puso at isip ko, nakalaan ako na gagawin ko 'yan. Nagkataon na may pandemya tayo kaya ang sabi ko talaga 'siguro hindi pa ito 'yung time'. Kasi mahirap sa akin naka-lock in, hindi ko makikita 'yung mga anak ko, nagpapadede pa ako kay Sixto, inaasikaso ko si Zia sa online class niya tapos hindi ako uuwi ng bahay. Sabi ko, 'Naku, paano ito? Hindi ko kakayanin.'”
Ikinuwento ni Marian na nagpaalam siya sa dapat sana'y kanyang leading man na si Gabby Concepcion at naintindihan daw ng aktor ang dahilan kung bakit siya nag-back out. Naunawaan din daw ng Kapuso network ang kanyang naging desisyon.
Patuloy ni Marian, “In fairness naman sa GMA, naiintindihan nila kung saan ako nanggagaling. At laking pasasalamat ko talaga sa GMA na every time may ganitong nangyayari sa buhay ko, nabubuntis ako, hindi ko pwedeng gawin, eh bukal sa loob nila na tanggapin 'yung desisyon ko at sinusuportahan nila ako doon. Kaya very thankful ako sa GMA na sobra-sobrang lawak ng pag-iintindi nila sa akin. At sinabi naman nila na naiintindihan daw naman nila 'yung desisyon ko na hindi ko kayang gawin.”
Dagdag pa ng Kapuso actress, tanggap niya kung pumili ng ibang aktor ang GMA Network at ang programa upang pumalit sa kanyang role.
Wika niya, “Sabi ko sa kanila walang problema kung palitan nila ako. Siyempre GMA, siyempre maraming kailangan ding mabigyan ng trabaho. Lalo na ngayon, kaunti 'yung mga tao para mag-isip ng another kuwento. So walang problema sa akin kung palitan nila ako para mag-move on ang First Yaya. Walang problema, kahit sinong ipalit nila, walang problema.”
Panoorin ang panayam kay Marian Rivera mula sa video ni Rose Garcia ng PEP.ph:
Nitong Marso, ilang araw lamang bago nagsimula ang lockdown, ay nakapag-taping pa si Marian para sa First Yaya.