
Sinariwa ni Marian Rivera ang kanyang mga alaala kasama ang kanyang Lola Iska at inang si Amalia upang magbigay-pugay at inspirasyon sa kanyang mga kapwa nanay.
Kuwento ni Marian na dalawang taong-gulang pa lamang siya nang maghiwalay ang kanyang mga magulang.
Aniya, “Lola ko ang nagpalaki sa akin. Sabi ko nga eh hindi porke't lola ko siya eh lola. Para sa akin isa kasi siya sa tinuring kong talagang nanay ko, na masasabi ko siya 'yung puso ng tahanan. Kung wala siya, hindi ko alam kung ano meron ako ngayon kasi sa kanya ko natutunan 'yung determinasyon sa buhay.”
Kay Lola Iska raw natutunan ni Marian ang pagiging mapamaraan, ang pagkaaroon ng pananalig sa Diyos at pagtitiwala sa sarili at sa mga taong nakapaligid at nagmamahal sa kanya.
Hindi man lumaki na buo ang pamilya, nagpapasalamat ang Kapuso Primetime Queen na muli niyang nakapiling ang kanyang ama at ina, at ramdam pa rin niya ang kanilang pagmamahal kahit wala sila sa iisang bubong.
Patuloy ni Marian, “Ang mahalaga 'yung komunikasyon, 'yung koneksyon sa isa't isa. At kahit na hindi kayo madalas magkita, alam mong nasa puso at isip mo na mahal ka nila, at 'yun ang mahalaga para sa akin.”
Kinilala rin ng aktres ang kahalagahan ng mga nanay ngayong may COVID-19 pandemic.
Saludo si Marian sa mga inang patuloy na naglilingkod bilang frontliners, sa mga ama, kapatid, anak, lolo at lola na nagpapakaina upang mapunan ang pagmamahal ng isang magulang, at sa mga OFW na tinitiis ang distansya sa layong bigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.
Mensahe ni Marian, “Sa lahat ng mga nanay, maraming salamat sa pag-aalaga at pagmamahal niyo sa inyong pamilya. Nakakalungkot lang isipin na may ganito tayong hinaharap na problema ngayon pero ang mahalaga, kailangan we stay strong together. Sa halip na maramdaman natin na nag-iisa tayo sa ating mga tahanan, baka mas magandang kahit through social media maaari pa rin nating masandalan at ma-inspire ang isa't isa.
“Hindi magiging madali pero malalagpasan natin ang pagsubok na ito. Kaya natin ito dahil magtutulungan tayo. Mabuhay ang mga #KapitNanay!”
Sinimulan din ni Marian ang palitan ng kuwento sa pamamagitan ng #KapitNanay upang patuloy na magpaabot ng inspirasyon sa kanyang mga kapwa ina.
Ang Kapuso actress ay naghahanda sa kanyang pagbabalik-Primetime sa pamamagitan ng upcoming Kapuso series na First Yaya. Maliban sa trabaho, binigyang-diin din niyang ang kanyang priority ngayon ay ang kanyang pamilya.
IN PHOTOS: Inside the quarantine life of the Dantes family
PANOORIN: Performance ni Marian Rivera bilang Elsa para sa 'Gabi Ng Himala'