
Aminado si Marian na hindi ganoon kadali na maging isang ina, asawa at magtrabaho. Paano nga ba niya nagagawa ang lahat ng ito?
Nagbahagi ang first-time mom na si Marian Rivera tungkol sa kanyang buhay na binabalanse sa pagiging isang ina, asawa at artista sa pamamagitan ng isang live video na handog ng Johnson’s Baby, ang pinakabagong endorsement niya kasama si Baby Letizia.
Aminado si Marian na hindi ganoon kadali na maging isang ina, asawa at magtrabaho. Kaya payo niya, “Siguro para mapadali ang buhay ng isang ina, kailangan malaman mo kung ano priority mo. Para sa akin, malinaw na ang priority ko ay si Zia, and then pangalawa si Dong… bago ang trabaho ko.”
“Sa ngayon lang ‘yan at habang tatagal, mababalanse mo rin ‘yan, at magiging pantay pantay din ang lahat, ‘yung asawa at anak. Pero this time, ‘yung anak ko muna ‘yung priority [ko],” dugtong niya.
Malaking challenge daw sa Kapuso Primetime Queen ang kanyang bagong papel na ginagampanan sa personal na buhay at sa kanyang pamilya siya humuhugot ng lakas para harapin ito.
Sambit niya, “The mere fact na binigyan ako ng Panginoon ng isang anak, parang sabi ko, ‘Lord, lahat gagawin ko para mapalaki ko siyang mabuting tao at maturuan ko siya kung anong dapat gawin niya sa buhay niya.’ So very thankful ako na may anak ako. Kaya kahit anong hirap, kayang kaya ‘yan. For sure lahat ng mommy ay nakaka-relate sa akin na pag isang ina ka, lahat posible basta gagawin mo para sa anak mo.”
Dagdag pa niya tungkol sa pagiging isang magulang, “Mahirap pero masarap. Ang lagi ko nga sinasabi, mahirap pero may reward siya. So kahit na pagod na pagod ka, pag nagsmile na talaga anak mo, wala na. Tapos ang usapan.”
Video from Johnson's Baby Philippines Facebook