
Binalikan ng Kapuso Primetime Queen Marian Rivera ang naging audition niya para sa breakout role niya sa Philippine adaptation ng GMA-7 ng Marimar noong 2007.
Sa exclusive interview ni Marian sa celebrity hairstylist na si Celeste Tuviera sa kaniyang vlog, ikinuwento ng multi-awarded actress ang mga nangyari sa audition niya sa iconic role na ginampanan noon na Mexican superstar na si Thalia.
Kuwento ng Kapuso actress, “Noong nag-meet kami (Dingdong Dantes) kasi unang-una kita ko sa kanya is audition ng MariMar. Wala akong inisip nun kung hindi ibigay 'yung best ko, kung ano hinihingi sa akin ng direktor--sumayaw, umarte, mag-project. Focus talaga ako.”
Binigyang-diin ni Marian na naka-focus siya na masungkit ang role bilang Marimar. Paliwanag niya kay Celeste, “'Yun talaga pinunta ko doon. Hindi 'yung, 'ay ang cute nung leading man.' Ay, wala.”
Dagdag pa ng Kapuso Primetime star na first time niya na mag-suot ng bathing suit noong nag-audition siya.
“Focus ako, ito gusto ko, pinasok ko ito, kailangan makuha ko 'to. First-time ko mag-bathing suit sa buong buhay ko na ganung katinding daring na talagang two-piece. So, ginawa ko 'yun for the audition, as in, go with the flow,” aniya.
May nakatatawa ring hirit si Marian Rivera sa hitsura noon ng kaniyang mister na si Dingdong.
Pagsasalarawan niya kay Dong, “Tapos ang haba ng bigote ni Dong noon. Sabi ko, 'ano ba naman 'yan mukhang kambing naman 'tong lalaking 'to.' Kambing talaga tawag ko sa kanya, 'tapos kasi ang haba ng bigote niya.”
Ayon din sa Kapuso actress na walang spark agad sa pagitan nila ni Dingdong, dahil mas pinagtuunan nila ng pansin ang kanilang trabaho.
Sabi ni Marian, “Wala e 'yung emosyon wala sa kanya--nasa karakter ako na kailangan maarte ko, kailangan may rapport kami dalawa, kailangan maging okay kami on-screen. Basta ibibigay ko na lang 'yung best ko.”
“So talagang wala siya, out. Hanggang sa nag-Marimar kami, sabihin na lang natin na trabaho-trabaho kaming dalawa. Wala kaming space for, 'ay ang cute niya. Ay ang ganda niya,' dagdag pa niya. “Wala kaming space na dalawa.”
Kilalanin ang iba pang celebrities na nag-audition sa iconic role na Marimar sa gallery below.