
Nang pumasok sa show business ang premyadong TV host at celebrity mom na si Mariel Rodriguez-Padilla, iisa lamang ang nais niyang marating, ang maging dramatic actress gaya ni Claudine Barretto.
Matapos ang mahigit dalawang dekada, muling tumapak sa GMA Network si Mariel sa kaniyang pagbisita sa Fast Talk with Boy Abunda, ang programa ng kaniyang manager na si Boy Abunda.
Sa nasabing interview, binalikan nina Boy at Mariel ang kanilang mga naging pag-uusap noon bilang manager at talent.
Ayon kay Boy, tinanong niya noon si Mariel kung ano ang nais nitong gawin sa kaniyang showbiz career.
“Ano ba talaga Mariel ang gusto mong mangyari sa buhay mo?” tanong umano noon ni Boy kay Mariel.
Sagot naman ng TV host, “I wanted to be Claudine Barretto.”
Kuwento ni Mariel, “I really wanted to be an actress, 'yun talaga 'yung feeling ko dramatic actress. The problem is ang pangit ko po umiyak.”
Ayon sa celebrity mom, hindi niya kaya ang mga ginagawang acting at drama ng mga aktres.
Aniya, “Hindi 'yung parang bumabagsak lang 'yung isa luha tapos ibibigay 'yung dialogue, hindi po ganun.”
Pero biro ni Mariel, pakiramdam niya ay babalikan niya rin ang naunsiyami niyang pangarap kapag lumaki na ang kaniyang mga anak.
“I wanted to be an actress, feeling ko babalik pa ako doon eventually kapag malaki na ang mga anak ko,” anang TV host.
Samantala, binalikan naman ni Mariel ang pinakauna niyang TV show na napanood sa GMA, ang unang Extra Challenge kung saan host noon si Paolo Bediones.
Pag-ala-ala ni Mariel, “My very first show on television was Extra Challenge on GMA-7.”
Samantala, bukod sa pagiging may-bahay ni Senador Robin Padilla, at hands-on mom sa kanilang mga anak, abala rin ngayon si Mariel bilang isang celebrity entrepreneur at online live seller.
Patuloy na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.