
Kamakailan ay nagkaroon ng mga usap-usapan tungkol sa pag-migrate umano nina Mark Herras at asawa nitong si Nicole Donesa sa Amerika. Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, April 17, binigyan ng linaw ng aktor ang mga usapang ito.
Pagbabahagi ni Mark, tutuparin na ni Nicole ang pangarap nitong mag-nurse. Sa katunayan, nakapasa na nga ito sa Trinity University para sa kursong Nursing. Biro pa ng aktor, nakapasa ito dahil nagpa-picture sa kaniya ang mga teacher at guard ng eskwelahan.
“She's gonna study again, si Nicole. Sa Pinas muna, nursing. That's her dream, to be a nurse. Okay na, nakapasa na po siya sa Trinity. I'm really happy for her, kasi ito 'yung dream niya talaga, Tito Boy,” sabi ni Mark.
Pagbabahagi pa niya, dual citizen na sina Nicole at ang panganay nilang anak na si Corky, habang inaayos naman nito ang mga papeles ng bunso nilang si Mija.
“Then after like four, five years, gusto niya sa States mag [work], siyempre sa sweldo rin, sabi niya, ipepetisyon daw niya ako. Sabi ko, 'Whatever you want.' Kung nasaan 'yung mga bata, nandu'n ako,” sabi ni Mark.
Aminado naman si Mark na hindi niya ma-imagine ang sarili niyang iiwanan ang showbiz.
“Wala nga akong ibang parang magandang kuwento sa buhay ko before my family kundi itong showbiz life ko lang, kumbaga itong na-experience ko sa industriyang ito,” sabi ng aktor.
“So 'pag iniisip ko, four years from now, I'm gonna go to the States na, parang 'Paano ako magtatrabaho du'n?' sabi ko,” pagpapatuloy ni Mark.
KILALANIN ANG CELEBRITIES NA INIWAN ANG MUNDO NG SHOWBIZ PARA MANIRAHAN ABROAD SA GALLERY NA ITO:
Samanatala, sinagot din ni Mark ang mga bali-balitang maghihiwalay na sila ni Nicole dahil sa pag-unfollow nila sa isa't isa. Paliwanag ng aktor, paraan lang nila ito na magpahinga at makakuha ng peace of mind kapag nag-aaway sila.
Ani Mark, kapag nag-aaway kasi sila ni Nicole, umaalis siya ng bahay para makapagpalamig. Ngunit paano naman siya umano makakapahinga kung patuloy pa rin ang asawa sa pag-message sa kaniya?
“So ako, 'Block muna kita.' Parang peace of mind,” sabi ni Mark.
Pero paglilinaw ng aktor, “Tapos kapag nasa bahay na kami ulit, 'Ichi, baka gusto mo na akong i-unblock?'' Minsan nasa bahay na ako for like a week, okay na kami, hindi ko pa rin siya ina-unblock.”
Wala rin umanong katotohanan ang mga balitang maghihiwalay sila dahil importante sa kanilang mag-asawa na buo sila para sa kanilang mga anak.
Panoorin ang panayam kay Mark dito: