
Sa isang eksklusibong panayam sa programang Fast Talk with Boy Abunda, ipinaliwanag ng StarStruck alumnus na si Mark Herras ang tunay na kuwento sa likod ng kaniyang viral video.
Sa nasabing video, makikitang umiiyak ang aktor, kaya naman naging usap-usapan ito ng mga netizen na nagbunga ng iba't ibang espekulasyon.
Binigyang-diin ni Mark na ang kaniyang emosyonal na video ay walang kinalaman sa pera o trabaho, kundi isang paraan lamang ng paglalabas ng kaniyang nararamdaman.
“Wala siyang koneskyon with money, with work; so it's a personal issue na kailangan ko siyang i-post just to vent out. I have depression; so kailangan ko siyang ilabas. Again, my explanation is, hindi ko siya inilabas just to get sympathy from people. Never naman po akong nagpo-post ng ganyan. I don't really post things like that,” sabi ni Mark.
Ibinahagi ng aktor na ang kaniyang pagiging emosyonal ay bunga ng personal na pinagdadaanan at hindi pagkakaunawaan nila ng kaniyang asawang si Nicole Donesa.
“Recently, wala po akong nakakausap na talagang may problema ako, kasi busy ako with work, maghanap ng trabaho, busy ako sa family; so, nangyari 'to, nagkaroon kami ng away ni misis [Nicole Donesa], so mayroon kaming ugali na para hindi na lumaki 'yung away, aalis na lang ako ng bahay, para hindi magbungangaan, and'yan 'yung mga bata,” aniya.
Inamin ng aktor na ang labis na pagmamahal at pangungulila sa kaniyang mga anak ang tunay na dahilan sa likod ng kaniyang viral video.
“Dahil hawak ko 'yung oras ko dahil sa trabaho ko, mas marami akong oras sa mga anak ko, kay Corky at kay Mija, 'yun yung time na maliligo na ako to get out of the house, d'yan sa CR na 'yan, parang nag-flashback lang sa akin na d'yan ko pinaliliguan 'yung panganay ko, every day,” pahayag ni Mark.
“And then, 'yung mukha ng bunso ko kapag nakikita akong dumarating sa bahay, na sa akin niya lang ginagawa; based sa lola saka sa asawa ko: 'Iba 'yung ngiti sa akin ni Mija.' Being a dad, alam kong mahihiwalay ako sa kanila hindi ko alam kung ilang days or weeks; nag-breakdown ako Tito Boy, 'yun 'yung reason bakit ako umiiyak,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Mark ang kaniyang pinagdaanang hirap sa pagpili sa pagitan ng pananatili sa bahay upang makasama ang mga anak at ang pag-alis upang maiwasan ang lalong paglala ng tensyon sa kanilang mag-asawa.
Nilinaw din niya na ang kaniyang pagbabahagi ng video ay isang paraan ng “venting out” upang hindi siya tuluyang mapuno ng emosyon, at hindi upang makakuha ng atensyon mula sa publiko
“Kumbaga, [naisip ko na], dapat ba hindi ako umalis ng bahay para hindi ko sila ma-miss pero paano 'yung issue naming dalawa ng asawa ko na kapag hindi ako umalis dito, bangayan. Ayaw ko ng ganon stress sa buhay, kumbaga stressed na nga ako sa trabaho, stressed na sa mga nangyayari sa mundo; so, ayaw ko pa na magkaroon ng ganitong klaseng issue sa bahay,” sabi ni Mark.
“So, nag-breakdown ako, nai-post ko 'yung video. Sabi nga ni Nicole, 'Why do you need to post that? Do you want sympathy from people?' Sabi ko 'I don't want to get sympathy from people, kilala mo ako. Ang tagal ko na sa industriya, hindi ako humihingi ng ganyan sa ibang tao. Kailangan ko lang mag-vent out para hindi ako sumabog,” dugtong niya.
Sa gitna ng kaniyang pinagdadaanan, laking pasasalamat ng aktor sa mga mensahe ng suporta mula sa kaniyang mga kasamahan sa industriya na agad nagpaabot ng malasakit.
“Nagulat ako kasi may friends ako from showbiz na naging concerned sa nangyari; I am very thankful for them, hindi ko na nga sila na-reply-an noong time na 'yon kasi sobrang daming nangyayari,” pahayag niya.
Pinuna rin ni Mark ang mga maling balitang kumalat online matapos gamitin ng ilang netizens ang kaniyang video para gumawa ng sari-saring espekulasyon tungkol sa kaniyang buhay.
“Then people, gumawa na ng kanya-kanyang kuwento. 'Yung una parang nire-repost pa lang nila na may problema, then may nakita na ako nai-connect na 'yung scene na 'yan na umiiyak ako way way back sa wala akong trabaho,” sabi ni Mark.
Dahil sa galit, inamin ni Mark na nag-post siya muli para itama ang mga maling balitang ipinapakalat laban sa kaniya. Iginiit niya na labis siyang napahiya sa mga taong malapit sa kaniya dahil sa mga espekulasyong ito.
“Kaya ulit ako nag-post, nagsulat na lang din ako ng caption na may bad word pa nga, kasi ang naging dating sa mga kapwa ko artista, parang nagbe-beg ako for work, dahil wala akong pera, wala akong trabaho. Mali 'yung naging dating sa tao sa mga co-actors ko; napapahiya ako sa kanila,” giit niya.
“Nagkataon lang na nabasa ko 'yung mga comment na ginagawa ng ibang tao, habang ginagawa ko 'yung caption, mainit na rin 'yung ulo ko kaya may nasabi na akong mga bad word. Wala kayong right to say things na hindi niyo naman alam ang backstory,” dagdag pa niya.
Mariing pinabulaanan ni Mark ang mga bali-balitang wala siyang pinagkakakitaan. Sa katunayan ipinaliwanag niya na nananatili siyang abala sa iba't ibang proyekto hanggang sa kasalukuyan.
“Hindi ako naghahanap ng trabaho, I have work noong time na 'yon until now. Meron akong mga tapings, mga out-of-town shows, mga raket; kasi masipag ako maghanap ng tao, Tito Boy,” paglilinaw ni Mark.
Bilang pagtatapos, hindi napigilan ng aktor na magpahayag ng kaniyang pagkadismaya sa mga taong mahilig makialam at manghimasok sa pribadong buhay ng iba
“'Yung mga tao ngayon, mahilig sila manghimasok sa buhay ng ibang tao na wala naman silang karapatan,” saad niya.
Related Gallery: Photos that prove Mark Herras is the original 'Bad Boy ng Dance Floor'