
Isang seryosong Mark Herras ang nakaharap ni Ogie Diaz sa latest vlog ng huli.
Sa naging panayam ni Ogie kay Mark, nagkuwento ang aktor tungkol sa kanyang personal na buhay kasama ang kanyang asawa na si Nicole Donesa at anak nila na si Corky.
Nang tanungin ni Ogie ang StarStruck alumnus kung ano ang kinatatakutan niya, agad itong sinagot ni Mark.
Sagot niya, “Kapag naiisip ko na in like a month or two baka puwedeng wala akong gawin na trabaho… Kasi kung ngayon pa nga lang na hindi pa nag-aaral 'yung anak ko may mga oras na… ang hirap ah, ang hirap buhay ng isang tao.”
“All my life I'm doing this eh, all my life I've been doing this showbiz career, artista. Kung mawalan ako ng trabaho sige, I'll try like ibang trabaho na hindi showbiz. Puwede ako magsimula kung saan man,” paliwanag pa ni Mark.
Ayon sa aktor, isa sa mga laging sumasagi sa kanyang isipan ay ang kanyang mga responsibilidad bilang asawa at isang ama.
Sabi niya, “Ayoko lang dumating sa point na mawala sa akin 'yung anak ko… Hindi mo na maibigay 'yung dapat for them. Hindi mo na ma-provide…”
Dagdag pa ng Kapuso actor, “Iyon 'yung pinakakinakatakot ko, siyempre 'yung mawalan ako ng trabaho, mawala sa akin 'yung pamilya ko.”
“What if mawalan ako ng trabaho at 'di ako makapag-provide? Tapos mawala sa akin 'yung mag-ina ko?... Kapag nangyari sa akin 'yun, baka hindi ko na alam saan ako abutin or saan ako damputin,” pahabol pa niya.
Samantala, kabilang si Mark sa star-studded cast ng upcoming murder mystery drama series na Widows' War.