GMA Logo Mark Herras
Source: Fast Talk with Boy Abunda
What's on TV

Mark Herras, proud at grateful sa kanyang gay parents: 'I am very thankful na sila 'yung mga magulang ko'

By Mark Joseph F. Carreon
Published April 18, 2026 5:18 PM PHT
Updated April 18, 2026 5:40 PM PHT

Around GMA

Around GMA

2 dead in armed encounter in GenSan
Can I reuse my N95, KN95 mask amid bad air quality? DOH says it’s OK 

Article Inside Page


Showbiz News

Mark Herras


“Naging mabait naman po akong anak.” - Mark Herras

Sa isang eksklusibong panayam sa programang Fast Talk with Boy Abunda, ipinaliwanag ng StarStruck alumnus na si Mark Herras ang ilan sa mga kuwento ng kanyang buhay bilang isang anak.

Sa naturang episode, tinanong ni Tito Boy si Mark kung ano ang kanyang isasagot sakaling tanungin siya kung naging mabuting anak siya sa kanyang mga magulang.

Tumugon ang aktor at inilarawan ang sarili bilang isang mabait na anak. Sinabi rin niya na naramdaman niya ang pagmamahal ng kanyang mga magulang noong nabubuhay pa ang mga ito.

“Nakita naman [ng Diyos] 'yon. Nagkaroon ako ng mga maling ginawa sa buhay, ng mga maling ginawa bilang anak; but overall, naging mabait naman po akong anak,” tugon ni Mark

“Hindi naman po ako bastardong anak, hindi naman po ako [naging isang] anak na itatakwil ng magulang. I know and I can feel it na kung gaano ako minahal ng magulang ko; and knowing that feeling, I know na naging mabait po ako sa kanila,” dagdag pa niya.

Muling tinanong ni Tito Boy ang aktor tungkol sa kanyang yumaong ina, na nalalapit na ang kaarawan, kung ano ang pinakanami-miss niya rito.

“Kung paano siya magsungit sa amin, lalo na sa aming dalawa ng kapatid ko. Kung paano siya mabuwisit sa amin lalo na kung ano-ano ang ginagawa namin dalawa. At kung gaano siya mag-alaga; maging concern bilang nanay,” sagot ni Mark.

Ibinahagi rin ni Mark ang kanyang saloobin tungkol sa kanyang yumaong adoptive gay parents na sina Tito Hermie, na tinatawag niyang “Papapim,” at ang partner nitong si Daddy Jun.

Ayon kay Mark, nalulungkot siya dahil hindi na naabutan ng dalawang magulang ang kanyang mga anak. Inamin din niyang nami-miss na niya ang dalawa, lalo na ang saya at ligayang hatid ng mga ito sa kanyang buhay noon.

“Sayang hindi niya na naaabutan 'yung dalawang anak ko. I'm sure spoiled sa kanila 'yun. I miss their company actually; lalo na nung time na they're okay pa, noong wala pa silang nararamdaman, even my tito, my Papapim. I miss the laughs,” ani Mark.

Sumagot din ang aktor patungkol sa tanong kung siya ba ay nakakaranas ng bullying noon dahil sa pagkakaroon ng gay adoptive parents.

“Well, sa school, niloloko ako na 'Bayot, bayot!' Classmates ko from grade one to fourth year, mapipikon pa ba ako, kami-kami lang ang magkakasama,” sabi ni Mark.

Tapat na ibinahagi ni Mark ang kanyang mga naging saloobin lalo na sa pagtanggap sa kanyang mga magulang.

“Nagkaroon lang kami ng mga kaunting parts sa buhay ko na [kagaya nung] kapag nasa mall kami, kapag naglalakad sila magka-holding hands, medyo umaatras ako. Parang nawiwirduhan ako, pero ang bilisan lang Tito Boy, sobrang bilis lang ng ganoong pakiramdam sa akin, naintindihan ko agad siya kahit hindi nila in-explain na 'Kami mga magulang mo, parehas kaming lalaki,' walang gano'n,” aniya.

Hindi rin nakalimot si Mark na magpasalamat sa kanyang mga magulang na nag-alaga at nagpalaki sa kanya.

Binigyang-diin niya na kung bibigyan man siya ng pagkakataon, hindi niya kailanman hihilingin na mapalitan ang mga ito, at inamin niyang hindi siya magiging kung sino siya ngayon kung wala ang kalinga ng mga ito.

“Kaya nga I am very thankful na sila 'yung mga magulang ko. Kahit i-rewind pa 'yung buhay ko, hindi ko gusto na maiba 'yung magulang ko, and I'm okay and proud and so thankful. Wala na akong gustong maging magulang, gusto ko sila lang. Kasi kung hindi sila naging magulang ko, malamang I am not who I am,” sabi ni Mark.

Related Gallery: Photos that prove Mark Herras is the original 'Bad Boy ng Dance Floor'