
Isa si Kapuso actor Martin del Rosario sa mga hinahangaan ngayon dahil sa iba't ibang role na ginampanan. Ngunit ang karera ng aktor muntik nang hindi matuloy dahil sa pagpigil ng tiyahin at beteranang aktres na si Ces Quesada.
Si Ces ay kapatid ng ina ni Martin na si Maria Teresa "Tet" Mangay. Samantala, ang ama niyang si Robert del Rosario, kapatid naman ng batikang broadcast-journalist na si Connie Sison.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, April 6, binalikan ni King of Talk Boy Abunda ang isang interview ni Ces kung saan diumano sinabi nitong nagkaroon ng family council noong magdesisyon si Martin na pasukin ang pag-aartista.
“Totoo. And si nanay, nanay ang tawag ko kay Tita Ces, isa siya sa parang talagang tutol na mag-artista ako. Kasi since ang tagal na niya sa industriya, parang alam na niya 'yung politics involved inside, 'yung mga patakaran na ayaw niyang maranasan ko,” sabi ni Martin.
Pagpapatuloy niya, isa pang dahilan ni Ces kaya ayaw siyang mag-artista ay dahil walang kasiguraduhan ang future ni Martin.
“Pero I guess na-prove ko naman sa family, kay nanay, na kaya kong mahanap 'yung place ko dito sa industry na ito since mahal ko 'yung ginagawa ko,” sabi ni Martin.
Aminado naman si Martin na hindi biro ang maging artista sa panahon ngayon, lalo na at matindi rin ang kompetisyon sa pagitan ng mga aktor.
“Kasi one day, sikat ka, another day, biglang wala ka. So feeling ko ang labanan talaga is longevity. 'Yun 'yung ine-aim ko, longevity kesa 'yung ultimate star,” sabi ni Martin.
KILALANIN ANG CELEBRITIES AT PERSONALITIES NA MAGKAMAG-ANAK PALA SA GALLERY NA ITO: