
Hindi nakaligtas ang Kapuso hosts at sportscasters na sina Martin Javier at Anjo Pertierra sa tanong ni Boy Abunda tungkol sa controversial na 299 peso engagement ring.
Matatandaan na naging mainit na usapin ito sa social media kamakailan, makaraang ang isang netizen ay nagreklamo sa halaga ng singsing na ibinigay sa kanya ng kanyang nobyo.
Sa Fast Talk with Boy Abunda noong Huwebes (Jan. 18), hiningan ng reaksyon ng batikang TV host ang dalawa tungkol dito.
“Would you give a 299 peso ring to your fiance?” tanong ni Boy kina Martin at Anjo.
Unang sumagot si Martin. Aniya, “Ako kasi Tito Boy, 'yung 299 pesos, 'yung value niya nakadepende sa tao, sa financial standing ng tao. 'Yung 299 pesos na 'yun sa ibang tao, mahal na 'yun.”
Pero kung si Martin umano ang magbibigay ng singsing, “Para sa akin, personally, ngayon, sa stage ng buhay ko, hindi ako magbibigay. Of course, I would like to splurge a little bit para i-spoil ko 'yung significant other. Pero kung kapareho nung value 'yung 299 pesos na 'yun at nandun ako sa stage na yun. I guess mag-iisip ako.”
Hindi naman nalalayo sa sinabi ni Martin ang sagot ni Anjo. Aniya, “It depends Tito Boy. Tulad nga ng sinabi ni Martin, depende sa katayuan mo sa ngayon. Sa kinikita mo, kung may iba ka bang priorities or what so ever.”
Dagdag pa niya, “Kung kaya mong i-afford, why not? Kasi, pinaghirapan mo 'yung part na 'yun, 'yung relationship, pinaglaban mo. Pero kung hindi, kung ano 'yung pinaka-best na nandiyan na, na available na kaya mong ma-afford, 'yun na 'yun.”
“Hindi naman kayo mga kuripot?” tanong pa ni Boy sa dalawa.
“Hindi po,” natatawang sagot nina Martin at Anjo.
Samantala, mapapanood si Martin bilang “Game Changer” segment host sa 24 Oras, habang si Anjo ay mapapanood sa Kapuso morning show na Unang Hirit.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:45 p.m. sa GMA Afternoon Prime.