
Kilala bilang Philippines' Concert King at isa sa mga hinahangaang Filipino artists ang singer at host na si Martin Nievera. Ngunit paano nga ba siya nagsimula bilang isang singer at kalaunan, song writer?
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, September 24, ikinuwento ni Martin kung papaano siya na-discover noon habang nagsha-shower sa loob ng isang locker room.
Kuwento ni Martin, kinakanta niya noon ang "Feelings" ni Morris Albert habang nagsha-shower nang marinig siya ng wrestling coach ng kanilang eskwelahan.
“Well, I was singing 'Feelings,' that's when I was discovered. I was in the locker room after a basketball game. Hindi ako naglaro, so kunyari naglaro ako so ang tagal ko sa shower. Habang nagsa-shower, nag-enjoy ako sa reverb, echo,” kuwento ni Martin.
Pagpapatuloy niya, “May dumaan na isang lalaki, wrestling coach, nakikinig siya sa akin. Sabi niya sa 'kin, 'Hey, I want you to audition tomorrow for the choir.' So I joined the choir, I became part of the choir.”
Dagdag pa niya ay dahil sa choir ay naging back-up singers sila ng international singer na si Barry Manilow at doon umano niya nasabi sa sarili na gusto niyang maging singer.
BALIKAN ANG MGA KAPUSO SINGERS NA NAKILALA RIN BILANG MGA AKTOR SA GALLERY NA ITO:
Kinuwento rin ni Martin kung papaano naging parte siya ng sikat na singing group na Society of Seven sa edad na 14 years old. Kasama niya sa grupong ito ang kaniyang ama na si Roberto Nievera.
Kalaunan ay naging totoong parte siya ng grupo noong naging propesyonal na siyang singer, at nakasama pa sila sa isang concert sa Las Vegas.
“I became one of the members. It was like a dream come true from watching them as a child, learning, kasama ko na sila. Even in my dreams, I was dreaming to be one of the members of the Society of Seven,” sabi ni Martin.
Ngayon, 42 years na sa industriya, inamin ni Martin na mayroong mga pagkakataon na meron siyang self-doubt, lalo na tuwing napapanood at nakukumpara niya ang sarili sa mga bagong artists.
“Nanonood ako sa mga ibang artists ngayon, music has changed, 'yung style ng direction has changed, that's why I had Paolo Valenciano to try and show me how 'yung mga hitsura ng concerts ngayon. Siyempre nakaka-tense 'yun para sa akin,” sabi ng singer-actor at host.