
Binalikan ng dating aktor at ngayon ay celebrity entrepreneur na si Marvin Agustin ang kanyang naging buhay noon bilang isang waiter.
Kuwento ni Marvin sa TV host na si Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda, talagang trinabaho niya ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.
Aniya, “I would say na dine-describe ko 'yung kayamanan hindi lang naman 'yan pera. [Kasama diyan ang] experience, pagmamahal, relasyon, lahat ng 'yan kasi Tito Boy tinatrabaho 'yan at ginugusto. Kapag ginusto mo, masasabi mo sa sarili mo na hindi ka titigil hanggat hindi mo nakukuha 'yun.
“Pero isa sa pinakamagandang natutunan ko, we could do that, with a happy heart, at merong pagpapahalaga sa sarili, sa paligid, at sa pamilya.”
Lingid sa kaalaman ng publiko, nagtrabaho noon si Marvin bilang isang waiter sa isang restaurant kung saan siya na-discover na maging artista.
Pero bago pa man mamasukan, wala umanong ibang pangarap si Marvin kung 'di ang makaahon sa kahirapan.
Kuwento niya, “Gusto ko lang mag-survive at matanggal sa hirap at 'yung bigat na pinagdadaanan ko at ng pamilya namin. To survive lang talaga noong panahon na 'yun, makaahon sa kahirapan.”
Nang unti-unting makaranas ng pag-asenso, na-realize ni Marvin na posible ang lahat kung may pagsisikap.
“Siyempre noong nagwe-waiter, struggling pa rin, sinuwerte, na-discover mag-artista, nakakain nang maayos, naka-experience ng mas magaganda sa buhay. Doon ko na-realize na puwedeng marating ng kahit na sino basta 'yun 'yung iisipin, gugustuhin mo at hindi ka matatakot mahirapan sa buhay,” ani Marvin.
Pagbabahagi pa ni Marvin, ayaw niya pa noon na pumasok sa pag-aartista dahil ang pangarap niya lang ay maging restaurant manager.
Aniya, “Noong nadi-discover ako para mag-artista, ang kapal ng mukha ko nag-no-no ako kasi masayang-masaya akong nagwe-waiter noon at pag-aaralin ako sa umaga at magwe-waiter ako sa Tia Maria sa gabi tapos ang gusto ko noon maging manager ng restaurant.”
Naranasan din daw noon ni Marvin ang sayawan ang customers habang nagbibigay ng alak.
“Whenever we serve Margaritas, pinapasayaw kami ng customers kasi kasama 'yun sa buong presentation,” kuwento ni Marvin.
Biro pa niya, malaki sana ang tip na nakukuha niya pero, “Minsan natatakbuhan ako ng customers kakasayaw ko.”
Ayon kay Marvin, baon niya pa rin hanggang ngayon ang hirap na pinagdaanan noon, “'Yung hunger Tito Boy hindi ko siya nakakalimutan.”
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.