
Inulan ng kontrobersiya ang ‘90s matinee idol na si Marvin Agustin sa nakaraang press conference ng inaabangang drama seryeng Kambal, Karibal noong November 21.
Hindi nakaligtas ang aktor sa pag-uusisa sa kanyang pribadong buhay.
Kumakalat na may gay lover ito. Lagi diumano namamataan ang aktor na may kasamang lalaki sa mga bakasyon nito sa loob at labas ng bansa. Ngunit, nilinaw niya na wala siyang nililigawan o dine-date ngayon.
Saad niya, “Masaya naman ako sa love life. Ano lang siya e, loving life.”
Paliwanag ng aktor, ayaw niyang pag-usapan kung may dine-date man siya ngayon dahil may kanya-kanya namang kaligayahan ang bawat tao.
Samantala, tinanong din ang aktor kung ano ang adjustment nito pagdating sa pag-arte dahil naging busy ito sa kanyang mga negosyo.
Aniya, “Wala naman masyado. Una sa lahat, siguro malaking tulong at bagay ‘yung kilala mo at kaibigan mo ‘yung mga katrabaho [mo]. To the director, to even actually the staff, kakilala ko sila. seven years din ako dito [GMA Network]. Si Carmina naman, mas marami pa ‘yung kuwentuhan sa’min kaysa trabaho.”
Gagampanan ni Marvin ang karakter ni Raymond De Villa, ang maghihiwalay kay Geraldine (Carmina Villarroel) sa mga anak nitong sina Crisanta at Criselda. Aniya, nagustuhan niya maging kontrabida dahil mas madaling i-internalize ito.
“Challenging [siya], masarap. Ang hirap hirap umiyak kaysa magalit. Mas madaling magalit. Mas madaling mag-internalize,”paliwana niya.
Abangan si Marvin Agustin sa Kambal, Karibalngayong November 27 na sa GMA Telebabad.