
Aminado ang anak ni Superstar Nora Aunor na si Matet de Leon na isa siya sa mga pinakapasaway na anak ng beteranang aktres. Kaya naman, sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, May 7, humingi siya ng tawad at nagpasalamat sa kanyang yumaong ina.
“Unahin ko po 'yung sorry. Sorry kasi 'yun nga, akala namin, ayaw na niya ng magulo, ayaw niya ng makulit. She wanted more time pala with us,” sabi ni Matet.
Pagbabahagi ng aktres, akala nila ng mga kapatid niyang sina Lotlot, Ian, Kiko, at Kenneth na gusto ng kanila ina ng katahimikan. Kaya laking gulat nila na tuwing dumadalaw sila, iniiwan sila ni Nora para makipaglaro sa kaniyang mga apo.
Pinasalamatan din ni Matet si Nora, hindi dahil naging artista sila ni Lotlot, kundi dahil naturuan umano siya nito kung papaano maging isang ina.
“Hindi ako lalaking ganitong klase ng mama, ganito magmahal na mama, at parang siguro hindi ko rin alam kung ano ang gagawin ko kung hindi ako naturuan ng nanay ko nang mabuti,” sabi ni Matet.
TINGNAN ANG PAMILYA AT MGA KAIBIGAN NI NORA AUNOR NA NAGTIPON PARA SA UNANG DEATH ANNIVERSARY NG SUPERSTAR SA GALLERY NA ITO:
Sa katunayan, nasaktan pa raw si Matet sa sinasabi ng mga tao patungkol sa kanila nina Lotlot, Kiko, at Kenneth bilang adopted na anak ni Nora dahil pinagmumukha silang tila hindi nagpapasalamat sa kanilang ina.
“Please respect us. Not just me, but my brothers too, because tinawag na kaming call boy, call girl, 'Kung hindi kayo kinuha ni Nora Aunor, malamang, call girl, call boy [na kayo.]' You think mommy will be happy kung buhay siya na nalalaman niya na sinasabi n'yo 'yan?” sabi ni Matet.
Nitong April 16 ay ginunita ng magkakapatid ang unang anibersaryo ng pagpanaw ni Nora. Nagkaroon ng misa sa puntod ni Nora sa Libingan ng mga Bayani. Mayroon ding misa na isinagawa sina Lotlot, Matet, at Kenneth sa mas tahimik na lugar.
Panoorin ang panayam kay Matet dito: