
Nagpaliwanag ang aktres na si Matet De Leon tungkol sa pag-iyak niya habang nagla-live selling sa TikTok nitong June 29.
Sa ilang snippets na lumabas online, makikitang bigla na lang tumigil sa pagsasalita ang aktres habang nagpapaliwanag ito sa presyo ng isang set ng corned beef. Ilang sandali pa ay tumulo na ang luha ni Matet matapos mabasa ang ilang komento ng netizens.
Hindi na ipinaalam ni Matet ang nilalaman ng komento, ngunit base sa screenshots na na-post online, isang netizen ang nagtanong kung wala na bang project ang aktres kaya ito nagla-live selling. Ang isang netizen, binanggit din ang namayapang national artist at ina ni Matet na si Nora Aunor.
May ilang netizens naman na nagtanggol sa aktres, at sinabing naghahanap-buhay nang maayos si Matet at huwag sana nilang maliitin ang ginagawa nito.
Nitong Lunes, June 30, nag-post si Matet ng video sa kanyang TikTok account, at nilinaw na hindi siya umiyak habang nagla-live selling dahil nahihiya siyang gawin ito.
“Proud na proud na proud ako maging live seller sa TikTok ng mga brands na pinaniniwalaan ko. Sobra. At sobrang saya ko din mag-live, okay? Na kahit may pinagdadaanan, kung ano man 'yan, nagla-live ako,” sabi ni Matet.
Wika ng aktres, kaya siya naiyak ay dahil sa mga taong “walang puso at napakawalang hiya.” Nilinaw din niya na mahal niya ang pagla-live selling.
Mensahe niya sa mga taong ito, “Ang masasabi ko lang doon sa mga talagang gusto lang mamikon sa taong nagtatrabaho lang nang maayos at ginagawa ýung gustong-gusto niya, e, wala, babawasan ko na 'yung pagbabasa ng comments and I will do my best para hindi masira 'yung trabahong gustong-gusto kong ginagawa ng dahil sa inyo.”
KILALANIN ANG ILANG PINOY TIKTOK STARS NA BUMIDA NA RIN SA MAINSTREAM MEDIA SA GALLERY NA ITO:
Pinasalamatan din ni Matet ang mga taong sumusuporta at patuloy na bumibili sa kanyang live selling.
“Gusto kong mag-thank you doon sa mga taong maayos pagka-live, gusto kong mag-thank you sa inyo, 'yung mga sumusuporta kapag may live ako, lalo na 'yung mga suki ko. Akala n'yo, hindi ko kayo nakakalimutan, 'no?” sabi ni Matet.
“Again, thank you everybody, sa mga sumusuporta, salamat sa inyong lahat,” pagtatapos ni Matet.
Panoorin ang TikTok video ni Matet dito:
@misismatet Ok? Ok.
♬ original sound - misismatet