
Mas matinding emosyon ang siguradong madarama ng viewers sa pagsisimula ng bagong linggo ng pinakabagong revenge drama series ng GMA Public Affairs na Makiling.
Unang umere nitong January 8, tinutukan ng viewers ang pilot week ng serye dala ng bagong konsepto nito at matitinding eksena na humakot ng positive reviews sa iba't ibang social media platforms. Pinagbibidahan ang Makiling nina Sultry Leading Lady Elle Villanueva at Sparkle Debonnaire Derrick Monasterio.
“Pasabog na ang Afternoon Prime. Grabe, ganda din nito,” pagbabahagi ng isang netizen matapos mapanood ang episodes ng pilot week.
Pinuri naman ng ibang viewers ang kakaibang konsepto at kuwento ng Makiling na talaga namang sinusubaybayan na nila tuwing hapon, “Ganda ng istorya. May bago na naman akong aabangan.”
“Parang pelikula!” dagdag pa ng isang viewer.
Sa pagpapatuloy ng serye, matutunghayan ng viewers ang tuluy-tuloy na buhos ng problema sa buhay ni Amira (Elle) lalo pa't nasa kanya ang misteryosong halaman na Mutya na muntik na siyang ipahamak. Lalalim din ang tensyon sa pagitan ng magkapatid na Amira at Rose (Thea Tolentino) dahil sa selos at magkaibang pananaw at diskarte nila sa buhay.
Dagdag pa rito ang mga hamon na susubok sa relasyon nina Amira at Alex (Derrick). Sa kasamaang palad, magiging miserableng tuluyan ang buhay ni Amira dahil makaka-engkwentro niya ang grupo ng mga naghahariang bully na Crazy5 na talaga namang magbibigay sa kanya ng sunud-sunod na pasakit.
Kasabay ng masasalimuot na pangyayari sa buhay ng bida, hahayaan lang kaya ng diwatang si Maria Makiling na magdusa si Amira o poprotektahan niya ito?
Hindi dapat palampasin ng viewers ang mga susunod na episodes dahil malapit na ring mabunyag ang pagkakakilanlan ni Maria Makiling.
Abangan ang mas tumitindi at nakakagigil na kuwento sa Makiling, 4 p.m. sa GMA Afternoon Prime! Mapapanood din ito ng Global Pinoys via GMA Pinoy TV.
Para sa karagdagang update sa GMA Network, bisitahin ang www.gmanetwork.com.