
Mainit na sinalubong sa 24 Oras ang isa sa mga bagong mukha ng GMA Integrated News Weather Center na si Sparkle star at Philippine national athlete na si Maureen Schrijvers kahapon, June 16.
Bago natapos ang nasabing programa, opisyal nang winelcome at ipinakilala si Maureen bilang ang bagong tagahatid ng balita tungkol sa panahon sa flagship newscast ng GMA.
“Gusto muna namin opisyal na i-welcome at ipakilala sa inyo ang bago nating makakasama sa 24 Oras mula Lunes hanggang Biyernes para maghatid ng ulat panahon, si Maureen Schrijvers,” pagbati ni GMA Integrated News pillar Mel Tiangco.
Binigyan din si Maureen ng bouquet of flowers at nakatanggap pa ng birthday cake para ipagdiwang ang kanyang kaarawan.
Lubos na nagpapasalamat naman si Maureen sa warm welcome na natanggap niya sa 24 Oras. Aniya, “Maraming, maraming salamat po sa mainit na pag-welcome niyo sa akin dito sa 24 Oras. I'm so excited to be with everyone.”
Kamakailan lamang ay ipinakilala na ng GMA Integrated News ang mga bagong weather presenter ng Weather Center na sina Maureen, GMA Integrated News senior correspondent Katrina Son, weather producer Amor Larrosa, at actor-athlete Anjo Pertierra.
Si Maureen ay ang weather presenter para sa 24 Oras habang si Katrina naman ang mag-uulat para sa midday newscast ng GTV na Balitanghali.
Samantala, si Anjo ang weather presenter para sa GMA flagship morning show na Unang Hirit habang si Amor ang maghahatid ng weather reports para sa late night newscast ng GMA na Saksi at GTV's State of the Nation.
SAMANTALA, KILALANIN ANG BAGONG WEATHER PRESENTERS NG GMA INTEGRATED NEWS SA GALLERY NA ITO.