
Matapos ang kasal nina Mav Gonzales at Matthew Valeña sa United States of America noong Oktubre, isang masayang milestone ng kanilang relationship ang ibinalita nila sa Fast Talk with Boy Abunda; ang kanilang paghahanda para sa kanilang first baby.
Nitong Biyernes, December 19, ibinahagi nina Mav at Matthew na meron silang malaking rebelasyon sa naturang GMA Afternoon Prime talk show.
Sabi ni Mav, “We're expecting our first baby.”
Isang masigabong “Congratulations” at palakpakan naman ang natanggap nila mula sa King of Talk na si Boy Abunda, at staff ng programa. Tanong ng batikang host kay Matthew, “What are your thoughts?”
“Marami, marami. If I'm gonna be enough or if I'm ready, pero I don't think you're ever gonna be ready-ready,” sabi ng aktor.
Pagbabahagi ni Mav, honeymoon baby ang kanilang little blessing at nasa States noon si Matthew habang kababalik lang niya sa Pilipinas noong malaman niya. Sa katunayan, hindi nila inaasahan na magkaka-baby sila agad dahil bago pa man sila ikasal ay sinabihan na si Mav na mayroon siyang Polycystic Ovary Syndrome o PCOS kaya mahihirapan siyang magbuntis.
“I was just diagnosed with PCOS right before the wedding. So sabi ng OB, you have PCOS, may infection ka, it's gonna be hard for you to conceive. Pagbalik ko po dito, I went for a follow-up check-up, and the doctor said, 'You have an infection ulit,'” pagbabalik-tanaw ni Mav.
Ngunit dahil hindi pa umano siya dinadatnan noon at dahil kailangan niyang mag-antibiotics, naisip ni Mav na mag-pregnancy test muna “just to be safe.”
“Positive test so magkalayo kami nu'ng nalaman ko tapos parang ako -- tulog pa siya nu'ng nalaman ko tapos parang ako, 'Hala, ano'ng oras ba 'to magigising?'” kuwento ni Mav.
BALIKAN ANG SIMPLE PERO ESPESYAL NA KASAL NINA MAV AT MATTHEW SA GALLERY NA ITO:
Samantala, aminado naman si Matthew na maraming taon na niyang pinag-iisipan kung ano'ng klaseng ama ang gusto niyang maging para sa magiging anak.
“My dad was a wonderful dad who was very family-driven and focused, and I think I wanna take that and just go beyond that a little bit more,” sabi ng aktor.
Inamin naman ni Mav na una niyang naisip ay an schedule niya dahil mahigpit ang schedule ng isang reporter at aminado siyang magiging mas mahigpit na ito kapag nagkaanak na sila.
“So I think ngayon, I'm mentally preparing to make time for everything, for the baby, and siyempre, for my husband also, it can't just be the baby, for the family,” sabi ni Mav.