
Ang Sparkle stars na sina Rocco Nacino at Max Collins ay sasabak sa isang exotic treat dahil sasagutin nila ang mga maiinit at nakaiintrigang tanong sa segment na “Sasagutin o Kakainin.”
Mailalahad kaya ni Max ang local celebrity na nanligaw ngunit nabigong makuha ang kanyang puso? Matutukoy naman kaya ni Rocco kung sino ang best kisser sa actresses na naka-kissing scene nito?
Kung pipiliin nilang hindi sumagot, kailangan nilang kainin ang mga kakaibang pagkain sa inihandang menu!
Handa kaya silang uminom ng isang basong balut shake? Maubos kaya nila ang isang plato ng piniritong salagubang? Ilan lamang 'yan sa dapat n'yong abangan ngayong darating na Linggo.
But wait, there's more! Kung pipiliin naman nina Max at Rocco na sagutin ang mga tanong, sina TBATS hosts Boobay, Tekla, o sinumang miyembro ng Mema Squad ang kakain ng naturang food items. Ang exciting segment na ito ay tiyak na magbibigay ng non-stop tawanan at saya sa mga manonood.
Makakasama din nina Rocco at Max ang comedy duo at Mema Squad sa ating paboritong laro na “Don't English Me.”
Abangan ang episode na ito sa The Boobay and Tekla Show sa darating na Linggo (January 1) via livestream at sa GMA pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.
SAMANTALA, SILIPIN ANG HOTTEST “MAY PA-PRESSCON” EPISODES NG TBATS NOONG 2021 SA GALLERY NA ITO.