
Nakakakilabot ang upcoming brand new episode ng real life drama anthology #MPK o Magpakailanman ngayong Sabado.
Tampok kasi dito ang viral na visionary at dream translator na si Rudy Baldwin.
Unang sumikat online si Rudy noong 2020 dahil sa mga post niya sa Facebook kung saan ibinabahagi niya ang kanyang mga pangitain at mga babala.
Nahulaan daw ni Rudy, 'di umano, ang mga winning lotto numbers pati mga sakuna sa Pilipinas at abroad.
Sa ngayon, may 3,262,457 likes at 3,439,784 followers na ang kanyang Facebook account.
May 313,000 subscribers at 4,861,895 combined video views naman ang kanyang YouTube account.
Nagbigay pa nga siya ng kanyang "fearless forecast" para sa taong 2021 sa pamamagitan ng isang video sa kanyang YouTube account.
Ayon sa kanya, tataas daw ang mga insidente ng krimen tulad ng pagpatay at panggagahasa sa bansa ngayong taon.
Tataas din daw ang suicide rate lalo na ng mga OFW o overseas Filipino workers, partikular ang mga nagtatrabaho sa Europe at Arab countries.
Bukod dito, nakita din daw niyang magla-landfall ang karamihan ng mga bagyong papasok sa Pilipinas sa 2021.
Simula pagkabata, may mga pangitain nang nakikita si Rudy.
Dahil puno ng sakuna, krimen at kamatayan ang kanyang mga pangitain, ibinabahagi niya sa mga tao ang mga ito para mabigyan sila ng babala.
Pero dahil nakakakilabot ang mga sinasabi ni Rudy, mas madalas siyang hindi pinaniniwalaan o kaya naman ay kinakatakutan.
Minarapat niyang lumayo muna sa kanyang pamilya dahil umabot na sa puntong nakakatanggap siya ng pagbabanta sa kanyang buhay dahil sa mga pangitain niya.
Sinubukan din daw ni Rudy na ipagkibit-balikat ang mga nakikita niya pero nauuwi sa trahedya ang hindi niya pagbibigay ng babala.
Sinisisi din niya ang kanyang sarili dahil alam niyang napigilan sana niya ito kung nakapagbigay lang siya ng babala.
Si Kapuso actress Max Collins ang magbibigay-buhay sa kuwento ni Rudy sa bagong episode na ito ng #MPK.
Makakasama din niya dito si Ina Feleo.
Abangan sa brand new episode na pinamagatang "Babala at Pangitain: The Rudy Baldwin Story" ngayong Sabado, January 23, 8:00 pm sa #MPK.
Samantala, silipin ang ilang eksena ng episode sa gallery na ito: