
Viral ngayon ang nakakaaliw at napapanahong satirical skit ng content creator na si Mayette Dela Cruz Cinco sa gitna ng isyu ng mga anomalya sa flood control projects ng gobyerno.
Nag-ala "nepo (nepotism) baby"--slang term para sa mga successful na anak ng mga maimpluwensyang tao dahil sa posisyon at koneksyon nito--ang social media personality bilang pasaring sa mga umano'y pinag-iinitan ngayon na content creators na mga anak ng pulitiko at construction firm owners dahil sa kanilang magarbong lifestyle na kanilang ibinabalandra online.
Habang bumababa ng hagdan sakay ng stairlift, ipinagmayabang ni Mayette na nakahawak na ang kaniyang pamilya ng bilyones matapos makasingil para sa kanilang flood control projects.
Bago matapos ang skit, ipinaintindi niya na ito ang kinahinatnan kapag bumoto nang hindi tama.
Patutsada ni Mayette, "This is where your taxes go. Binoto n'yo ang mga kurimaw at mga magnanakaw kong magulang. Now, you're blaming me? It's not my fault. Sa susunod maging matalino kayo because, remember, this is where your taxes go."
Ipinagdiinan pa niya, "Bumoto ka ulit ng bobo. Lagi na tayong ganito."
Ayon kay Mayette, nabuo niya ang skit sa loob lamang ng 10 minuto out of frustration.
Ang nasabing video ay nakakuha agad ng mahigit siyam na milyong views sa Facebook sa loob ng isang araw. Ibig sabihin lang nito, marami ang aware sa hindi mareso-resolbang kontrobersiya sa korapsyon, bagay na ikinatuwa ng concerned citizen.
Ika niya sa hiwalay na post, "Salamat dahil nalaman ko na hindi pala ako mag-isa sa adhikaing ito. Nakakatuwa na nakakalungkot. It only shows na marami na tayong pagod sa huwad na pangako at galit sa lantarang panloloko. Sobra na ang kawalanghiyaan."
Bukod sa pagiging content creator, isa ring events planner, optometrist, at outreach advocate si Mayette.
RELATED CONTENT: 'Not THAT Co': Camille Co clarifies link to controversial Co family