
Pinangalanan ni veteran broadcast journalist Mel Tiangco ang ilang sa paborito niyang episodes mula sa real-life drama anthology na Magpakailanman.
"These are the stories na tumatak din sa akin kasi lahat sila favorite ko eh. Siyempre, it's my show pero there are some na naiiwan pa rin hanggang ngayon sa aking alalala," paliwanag niya sa intimate media conference para sa 23rd anniversary ng programa.
Isa raw sa hindi niya malilimutang episode ay ang kuwento ng buhay ng young actor na si Abdul Raman.
"If you recall 'yung istorya ni Abdul, na-abuse siya ng father niya tapos siya ang nag-alaga sa mother niya, sa kapatid niya. Basta 'yung buhay niya napaka-complicated but in the end, he won all his fights," dagdag ni Tita Mel.
Pinamagatan itong "My Mother and I: The Abdul Raman Story."
"Pagkatapos noong interview ko sa kanya, naiyak ako. Tumindig ako and I said, 'Give me a hug.' This was because I've faced a young man--so young, very very young man--who had surmounted problems na talagang hindi mo akalain na maayos niya 'yung buhay niya on his own," paggunita niya.
Isa pa sa episode na gusting-gusto niya ay ang "Sa Puso't Isipan" na pinagbidahan ni Asia's Multimedia Star Alden Richards.
"Nanalo si Alden Richards dito ah. 'Yung parents niya, may mental problem, may mental illness and he was the one who had to [take care of them]. Baliktad 'yung buhay doon. Imbis na parents taking care of children, ito naman the son taking care of both parents who are mentally ill. He won best actor no?" lahad ng beteranang host.
Kinilala ang pagganap ni Alden sa episode bilang Best Single Performance by an Actor sa 37th PMPC Star Awards for TV.
Bukod dito, kinilala din ang episode bilang National Winner sa kategoryang Best Single Drama Anthology sa 2024 Asian Academy Creative Awards.
Hindi rin malilimutan ni Tita Mel ang kuwento ng isang batang babae na may kakaibang kundisyon sa kanyang buto.
Isinadula ang buhay nito sa episode na pinamagatang "Ang Anghel sa Lupa: The Angel Chua Story" na pinagbidahan mismo ng subject ng episode na si Angel Chua.
"This young girl was afflicted with osteogenesis imperfecta. Osteo refers to bone. Ang bones niya, lumalambot nang lumalambot as she gets older. Mayroon siyang bed na tinutulak. Hindi siya nakatindig, hindi siya naka wheelchair because soft lang 'yung bones niya. Konting kibot lang, mababali na 'yung bones niya," lahad niya tungkol sa episode.
Tumatak daw kay Tita Mel ang masayahing disposisyon ng dalaga kahit na malubha ang sakit nito.
"She was such a cheerful person despite that. Nag-aaral siya. She was normal girl. She would also fall in love. I thought, 'Tignan mo itong batang ito--sa ng hirap ng kanyang buhay, she was always over and above all the problems that she encountered.' She knew that her life was short. She knew that she was just waiting for the time that God will call her. Pero hindi niya tinigil 'yun. Nag-aaral siya. She dances. She dances in her cart, nakakatuwa," bahagi niya.
Namamangha at humahanga raw si Tita Mel sa mga taong nagbabahagi ng kanilang kuwento sa programa.
"Kung sasabihin niyo, you are inspired by Magpakailanman, ako 'yung numero unong inspired when I meet these people. Unimaginable na may mga taong ganoon. Ang lakas talaga ng mga loob nila, because maybe si God ang really nagga-guide sa kanila," sambit niya.
SILIPIN ANG 23RD ANNIVERSARY MEDIA CONFERENCE NG MAGPAKAILANMAN DITO:
Patuloy na panoorin ang Magpakailanman, every Saturday, 8:15 p.m. sa GMA.
Naka-livestream ito nang sabay sa Kapuso Stream.