
Hindi maipagkakaila na isa si Mike Enriquez sa mga pinakamagagaling na news anchor. Mula sa radyo hanggang sa TV, nag-iwan ang batikang news anchor ng hindi malilimutang tatak at kontribusyon sa industriya.
Kaya naman sa pagpanaw ng batikang anchor, nagbigay pugay ang mga kasamahan niya sa 24 Oras sa pamamagitan ng isang special report at nag-iwan ng maikling mensahe para sa yumaong mamahayag.
“Sa mahigit limampung dekada niya sa industriya ng broadcasting, hindi maikakaila ang tatak at kontribusyon ni Mike Enriquez sa trabahong kanyang minahal nang buong puso,” ani ni Mel Tiangco.
Sabi naman ni Emil Sumangil, “Siya po ang kasakasama natin sa pagtutok sa malalaking balita at sa pagiging Saksi sa kasaysayan.”
Sa huli, sinabi ni Vicky Morales, “Ang aming kaibigan, Kapuso, at kasamahan, minahal at inabangan din ng milyong-milyon na Pilipino.”
Sa pagtatapos ng special para kay Mike, isa lang ang nasabi ni Mel para sa kanyang partner sa news show, “Alam niyo, gusto ko palakpakan si Mike, ang galing talaga.”
Samantala, ang co-anchor naman nitong si Vicky ay naging emotional sa kanilang closing remarks, kung saan makikitang niyakap pa siya ni Mel.
Ibinahagi rin ng 24 Oras ang kuwento ni Mike, kung papaano siya nagsimula sa radyo, bago malipat sa GMA Network. Dito, ikinwento rin ang hindi inaasahang pagsisimula ni Mike sa radyo at sa TV.
Pumanaw si Mike ngayong Martes, August 29, sa edad na 71. Matatandaan na noong December 2021 ay sumailalim ang award-winning anchor sa isang kidney transplant. Bago pa man nito ay sumailalim na siya sa heart bypass surgery noon namang 2018.
Isa si Mike Enriquez sa anchors ng GMA flagship newscast na 24 Oras, at host din ng longest-running public affairs program na Imbestigador.
Panoorin ang special report ng 24 Oras dito: