
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang dating De La Salle Lady Spiker na si Melissa Gohing na engaged na siya sa kanyang boyfriend na si Rocco Nacino.
Ayon sa Instagram post ni Melissa noong November 23, isa sa mga ikinabilib niya ay kung paano kinontiyaba ni Rocco ang mga importanteng tao sa kanyang volleyball career para maging parte ng espesyal na okasyon na iyon.
Special mention ng ngayo'y Creamline Cool Smashers libero sa kanyang post ang kanyang DLSU coach na si Ramil De Jesus na nakisali sa Zoom party para masaksihan ang kanyang engagement kay Rocco.
Matatandaang nanalo ng apat na UAAP championships si Melissa para sa DLSU Lady Spikers at itinanghal na Rookie of the Year sa UAAP Season 71 Seniors' Indoor and Beach Volleyball sa ilalim ni Coach Ramil.
Sa kabilang banda, nagpasalamat naman si Melissa sa kanyang mga kasamahan sa Premier Volleyball League na sina Creamline Cool Smashers wing spiker Fille Cainglet-Cayetano at Motolite Power Builders setter Iris Tonelada na tumulong para maging successful ang proposal ni Rocco.
Ayon sa past interview ni Rocco, nagkakilala sila ni Melissa sa isang volleyball game matapos imbitahan ang aktor ng team manager ng atleta na manood nito.
Opisyal na nagsimula ang relasyon nina Rocco at Melissa noong September 18, 2017.