
Hindi aprubado sa Delivery Boi star na si Meryll Soriano ang pagtakbo noon ng kaniyang ama na si Willie Revillame nitong nagdaang 2025 election bilang senador.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, July 22, kasama si Pokwang, ibinahagi ni Meryll ang rason kung bakit hindi siya sang-ayon sa pagtakbo ng ama, na ayon sa kaniya, ang napagtanto na rin ni Willie.
“It's something that he doesn't know, he doesn't know well. He was never confident. I mean, people have been trying to tell him na, 'Tumakbo ka, makakatulong ka,' and I think he's very smart to understand na hindi niya 'yung forte,” sabi ni Meryll.
Isang bagay na pinag-alala umano ni Meryll ay kung kakayanin ng kalusugan ni Willie ang matinding physical and mental challenges ng pagiging isang senador.
“It's a completely different world. And iniisip ko rin siyempre 'yung health niya and then 'yung magiging buhay niya, magiging buhay naming mga anak niya,” sabi ng aktres.
“And mabait talaga ang Diyos sa kaniya na hindi siya nanalo because he's set to do other things where he's more than capable to help,” pagpapatuloy ni Meryll.
BALIKAN ANG FAMILY BONDING NI WILLIE SA KANIYANG MGA ANAK AT APO SA GALLERY NA ITO:
Tatlong beses nagpakita ng interes si Willie na pasukin ang mundo ng pulitika. Ang una ay noong 2010 national elections, kung saan binalaan siya ni Comedy King Dolphy na 'wag na munang pasukin ito. Sumang-ayon naman ang batikang host at hindi tumakbo.
Ang ikalawa ay noong 2022, kung saan marami ang nag-udyok sa kaniyang tumakbo sa senado, ngunit si Willie na mismo ang tumanggi at sinabing gusto niyang pagtuunan ng pansin ang kaniyang pagho-host.
Ipinahayag din ng batikang host ang kaniyang kakulangan sa kaalaman tungkol sa batas, lalo na at hindi naman siya abogado.
Noong January 2024 nang ihayag ni Willie ang plano niyang pagtakbo para sa 2025 elections, ngunit binawi rin niya ito nang magsimula ang kontrata niya sa isang network. Pero noong October 2024, naghain pa rin ang host ng kaniyang kandidatura.