
Mapapanood ang mga pelikula ni Kapuso actor Rocco Nacino sa digital channel na I Heart Movies.
Bahagi siya ng Metro Manila Film Festival 2025 entry na Bar Boys: After School, sequel ng much-loved at critically acclaimed 2017 film na Bar Boys. Ire-reprise ni Rocco ang role niya dito bilang si Torran Garcia na isa nang abogado at law school professor.
Kasabay ng prestihiyosong MMFF, balikan ang iba pang mga pelikula ni Rocco kung saan naipamalas niya ang talento niya sa iba't ibang genre.
Panoorin ang LGBTQIA+ themed movie na I Luv U, Pare Ko kung saan nakatambal niya ang kapwa Kapuso na si Rodjun Cruz.
Si Rocco ay gaganap bilang Sam, na may lihim na pagtingin sa bestfriend niyang si Carlo na gagampanan naman ni Rodjun.
Itinatago ni Sam ang kanyang nararamdaman pati na tunay niyang pagkatao mula kay Carlo dahil isa itong homophobe.
May maisasalba pa ba sa kanilang pagkakaibigan kapag nalaman na ni Carlo ang katotohanan?
Abangan ang I Luv U, Pare Ko, December 23, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Tunghayan din si Rocco Nacino sa independent film na Balut Country.
Gaganap siya rito bilang Jun, isang lalaking magmamana ng patuhan ng kaniyang ama.
Gustong ibenta ni Jun ang farm dahil malapit na itong malugi pero nagdadalawang isip din siya dahil ayaw niyang mawalan ng hanap-buhay ang mga trabahador ng kaniyang ama na matagal nang nagsisilbi rito.
Ano ang magiging desisyon ni Jun?
Abangan 'yan sa Balut Country, December 26, 8:00 p.m. sa Pinoy Movie Date.
Mapapanood ang I Heart Movies sa channel 5 ng digital TV receiver na GMA Affordabox at GMA Now. Available din ito sa iba pang digital television receivers.