
Bukod sa paggawa ng action scenes sa harap ng kamera, naipapamalas din ni Michael Roy Jornales ang kanyang galing sa likod nito bilang isang stunt director. Dito rin nagsimula ang kanyang karera bilang stunt director—sa 2008 action series ni Dennis Trillo na Gagambino.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes, August 24, ibinahagi ni Michael Roy na ang unang proyekto niya bilang stunt director ay ang Gagambino.
“They needed a fight director na magfi-fit doon sa superhero effect or style. And then, kinuha po nila ako. Ni Miss Winnie (Hollis-Reyes), ako po ang napili nilang fight director,” sabi ni Michael Roy.
Pagpapatuloy ng aktor, “Nag-enjoy po ako. Like, gusto ko siya, mahal ko 'yung ginagawa ko, to choreograph and direct some fight scenes. And then, 'yun po, nagdire-diretso na.”
Ani Michael Roy, isa sa pinakamahalagang responsibilidad niya bilang stunt director ay tiyaking ligtas ang mga aktor at maiwasan ang anumang injury sa paggawa ng mga stunt.
“'Yun po ang pinakaimportante sa lahat po ng stunt na ginagawa po namin kasi 'pag na-injure 'yung mga actors natin, made-delay tayo at saka hindi sila puwedeng masaktan, siyempre,” sabi ng aktor.
Iba't ibang martial arts naman ang pinag-aaralan at pinapraktis ni Michael Roy, kabilang ang Taekwondo, Muay Thai, at ang Philippine martial art na Arnis.
KILALANIN ANG IBA PANG CELEBRITIES NA NAG-ARAL DIN NG MARTIAL ARTS SA GALLERY NA ITO: