
Siguradong sulit ang paghihintay n'yo sa original cast ng well-loved at award-winning Kapuso sitcom na Pepito Manaloto dahil magsisimula na ang bagong kabanata ng flagship show ng GMA-7 sa darating na June 11.
Kung na-miss n'yo sina Pepito at Elsa na ginagampanan ng highly-respected comedian na si Michael V. at versatile actress na si Manilyn Reynes, mas aabangan n'yo ang mangyayari sa Pepito Manaloto: Tuloy ang Kuwento.
Bakit, mga Kapuso? May bagong role ang creative director ng sitcom na si Bitoy na tatayo na bilang direktor ng high-rating sitcom.
Sa panayam kay Direk Michael ng 24 Oras, ikinuwento niya ang bagong milestone na ito sa kanyang career.
Matatandaan na siya rin ang nag-direk ng family drama na Family History noong 2019 kung saan lead actor siya.
Kuwento ng multi-awarded comedian, “At napaka-personal para sa akin itong Pepito Manaloto and from the beginning, si Direk Bert de Leon talaga 'yung designated director.
“And, nung nawala siya, nung nagpaalam siya, e, parang wala kaming choice. Hindi namin maatim na palitan si Direk. Kaya minabuti na lang namin na in the meantime, ako muna 'yung mag-helm nung directorial job.”
Siksik din sa sorpresa ang mapapanood ng kanilang loyal viewers sa Pepito Manaloto: Tuloy Ang Kuwento dahil mapapanood n'yo muli ang mga paborito ninyong artista na minsan ng naging guest sa show noon.
Aniya, “Ngayon, dahil sa pagbabalik ng Book 3, tinutuloy lang talaga natin 'yung kuwento.
“Ang dapat abangan dito, e, bakit itinuloy 'yung kuwento. Siyempre makikita natin diyan 'yung magca-cameo uli 'yung mga dati naging guest na natin, dati ng nakasama natin.”
Base sa behind-the-scenes na ipinasilip na ng Pepito Manaloto online, mapapansin na tila nasa probinsya ang setting nila.
Ano kaya ang mangyayari sa Manaloto family?
“Dito magsi-simula 'yung pagpapatuloy nung kuwento ng mga Manalotos at dito n'yo malalaman kung ano 'yung pinagdaanan nila at kung ano 'yung patutunguhan nila,” saad ni Direk Michael.
Tuloy ang pagtutok sa updates tungkol sa Pepito Manaloto: Tuloy ang Kuwento by visiting GMANetwork.com 24/7.