
Naging mainit na usapin ang lugaw nitong mga nakaraang araw matapos maharang ang isang delivery rider sa San Jose del Monte, Bulacan.
Sa viral video na kinunan mismo ng rider ay makikitang ayaw siyang palusutin sa checkpoint ng barangay officials dahil sa ongoing curfew hours nung mga oras na iyon.
Sakop ang Bulacan sa ipinapatupad na enhanced community quarantine o ECQ, isang mahigpit na uri ng lockdown matapos tumaas ang COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) at ilang malapit na probinsya.
Kukunin sana ng rider ang order na lugaw sa isang tindahan para i-deliver sa umorder na customer.
Hindi raw “essential” ang lugaw katwiran ng barangay official sa delivery rider kaya hindi niya ito puwede palusutin sa checkpoint.
Samut-sari naman ang naging reaksyon ng publiko sa kumalat na video. May mga nainis, nagalit, at tulad ng inaasahan, may mga nagsulputan rin na mga nakakatawang meme patungkol sa naganap na insidente.
Maging ang komedyante na si Michael V o Bitoy ay hindi na rin napigilan ang sarili at nakaisip na gumawa ng video inspired ng naturang pangyayari.
Parody song ang naisip ni Bitoy na paraan para bigyan ng comedic spin ang nangyari.
Sa bagong video na pinost ni Bitoy sa kanyang YouTube channel kagabi, April 5, ay hiniram nito ang tono ng kantang “Torpedo” na pinasikat ng legendary '90s band na Eraserheads at nilapatan ng sarili niyang lyrics.
Pinamagatan ni Bitoy na “Essential Lang” ang kanta.
Bukod sa kuwelang lyrics ay maririnig rin sa ilang bahagi ng kanta ang actual voice recording ng pagdidiskusyon ng delivery rider at ng nagpapaliwang na barangay official.
Sa dulo naman ng video ay may nilagay si Bitoy na paalala sa mga tagapanood na patuloy na seryosohin ang banta ng COVID-19.
“Wear a mask. Ang proteksiyunan ang sarili at ang kapwa ay essential,” reminder ng Bubble Gang mainstay at Pepito Manaloto star.
“Stay at home. Ang pagbabawas ng hindi importanteng lakad ay Essential.”
“Pray for our country and the world. Ang tiwala at pananalig sa Kanya ang pinaka-essential.”
Sa kasalukuyan ay meron ng mahigit 70,000 views ang parody video ni Bitoy. Tuwang-tuwa naman ang mga nakapanood at marami rin ang nag-iwan ng comments para mabasa ni Bitoy.
Matatandaang isa sa Bitoy sa mga nagkasakit ng COVID-19 nung nakaraang taon. Naging bukas ang komedyante sa publiko tungkol sa kanyang kondisyon sa pamamagitan ng social media.
Panoorin ang nakakaaliw na parody video ni Bitoy: