
Espesyal para kay beauty queen, model, and actress Michelle Dee ang upcoming episode ng real life drama anthology na Magpakailanman.
Ito kasi ang unang pagkakataon na lalabas siya sa programa at makakapares pa niya dito ang mabuting kaibigan at kapwa Kapuso star na si Rhian Ramos.
Bibida sila sa episode na pinamagatang "Wanted: Sperm Donor" na kuwento ng isang same-sex couple na nais magkaroon ng sariling anak.
"Noong nakuha po namin 'yung inquiry, kami po ni Rhian, nagulat kami pero na-excite din kasi first project together. We've guested on shows, we've talked highly about each other pero it's the first time that we we're put together in a taping setting. Of course, napakaganda rin po ng kuwento," pahayag ni Michelle.
Gaganap sa episode si Michelle bilang Janine, isang career-driven na babae, habang si Rhian naman ay si Lea na gagawin ang lahat para magkaroon ng anak.
"I found her so strong. Medyo naka-relate din po ako because she is so determined sa kanyang career pero alam din niya na paminsan-minsan sa buhay, you have to make sacrifices for the people you love," paglalarawan ni Michelle sa kanyang karakter.
Pagkakataon din daw ang episode para mas makilala pa ni Michelle ang kaibigang si Rhian bilang isang aktres.
"Ang taas po talaga ng tingin ko kay Rhian. I have so much respect for her. This is the first time na I was able to see her behind the scenes in the craft that she's been doing," papuri niya.
Bukod kina Michelle at Rhian, bahagi rin ng episode sina Bryan Benedict at AZ Martinez.
SILIPIN ANG ILANG EKSENA NG EPISODE SA GALLERY NA ITO:
Abangan sina Michelle Dee at Rhian Ramos sa brand-new episode na "Wanted: Sperm Donor," November 9, 8:15 p.m. sa Magpakailanman.
Naka-livestream din nang sabay ang episode sa Kapuso Stream.