
Sa kabila ng kontrobersiyang hinarap nina Michelle Dee, Rhian Ramos, at Samantha Panlilio noong January, nanatili pa ring magkakaibigan ang tatlo. Sa katunayan, hindi naman nito naapektuhan ang kanilang samahan.
Sabi pa ni Michelle sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, June 16, “We're still very, very close and we'd like to keep it that way.”
Sa ngayon, maayos naman ang lagay ni Michelle sa kabila ng kontrobersiya at dahil January pa nga iyon nangyari, mas naka-focus siya ngayon sa mga trabaho niya.
Ngunit pag-amin ng beauty queen, “You know, nobody wants to be put in that spot, to be under national spotlight, scrutiny, accusations, especially without fact-checking.”
Pag-amin ni Michelle, suwerte na rin sila ngayon na mas matatalino na ang mga tao at kaya nilang mag-connect the dots sa mga pangyayari at mag-isip bago manghusga. Marami na rin ang may kakayahang mag-fact check at umunawa.
“We've always said this; the truth will always come out. And it has been coming out sa general opinion naman talaga,” sabi ni Michelle.
TINGNAN ANG PAGKAKAIBIGAN NINA MICHELLE AT RHIAN SA GALLERY NA ITO:
Ngunit ayon sa Kapuso actress, hindi pa rin talaga nawawala ang fake news at sinabing malaking problema pa rin ito hanggang ngayon. Kaya naman, para kay Michelle, “I think people should stay accountable.”
“Hindi naman porke't may source ka, it means na totoo. And a lot of people are victims to that. I just hope that the truth comes out in that regard, and I definitely don't agree na dapat binibigyan pa ng panahon ang mga nagfe-fake news,” sabi ng Kapuso star.
Matatandaan na nasangkot sina Rhian, Michelle, at Samantha sa isang kontrobersiya ng akusahan sila ng driver at personal assistant ng una na si alyas Totoy ng pambubugbog at pagkulong.
Sa kuwento ni alyas Totoy sa National Bureau of Investigation sa Pasay City, puwersahan diumano siyang inakyat nina Rhian at Michelle sa condo at pilit pinaamin tungkol sa pagkuha ng angpao, na diumano ay kinuha niya mula sa naturang unit. Naglalaman daw kasi ito ng sensitibong larawan.