
Kaantig-antig at makabuluhan ang ipinakitang special performance ng team nina Jhong Hillario, Jackie Gonzaga, at Cianne Dominguez sa "Magpasikat 2024" sa It's Showtime.
Nitong Biyernes (October 25), nagsilbing adbokasiya ang kanilang performance, na tumatalakay sa napapanahong isyu ukol sa mental health.
Bukod sa mga stunt at pagtatanghal nila sa adbokasiyang ito, inimbitahan din ng grupo ang kilalang celebrity health advocates, katulad nina Kapuso star Michelle Dee, Kylie Verzosa, Jed Madela, Maxine Magalona, at iba pa.
Sa kanyang speech, nagbahagi ng madamdaming mensahe si Michelle Dee sa madlang Kapuso tungkol sa kanyang karanasan at adbokasiya.
"Lagi tayo bibigyan ng pagdaranas na hindi natin in-e-expect. Ako po ay lumaki with two siblings on the autism spectrum. Ako rin po (ay) may pinagdadaanan. In this industry, lagi may bashing, palagi ka nasu-scrutinize. Pag nasa pageant stage ka, alam po natin 'yan na we're the most passionate fans, pero hindi po ibig sabihin no'n na hindi kami naaapektuhan inside. Which is why mental health, autism acceptance, awareness, it's a long life mission for me," sabi ni Michelle.
Mas mahalaga na ipaalam ang kanilang adbokasiya lalo na't kasalukuyang ipinagdiriwang ang World Mental Health Awareness Month. Kasabay nito ang mga pagsubok na dinaranas ng mga Pilipino dahil sa bagyong Kristine.
"Kaya during this month, tulad po ng sinabi n'yo, it is World Mental Health Awareness month. Kaya it's so important now more than ever na we are expressing how important it is to stick together. Kasi lahat po tayo may pinagdadaanan and hindi po natin alam kung anong pinagdadaanan ng iba, especially sa mga kapatid or brothers and sisters that were affected yesterday and the last few days (because of) typhoon Kristine," dagdag pa ni Michelle.
Nagpaalala rin si Michelle sa madlang pipol na huwag ikahiyang humingi ng tulong kung kinakailangan.
Aniya, "I hope you know that seeking help is not a sign of weakness but it's a sign of ultimate strength because kakayanin natin ang lahat basta alam n'yo na hindi kayo nag-iisa at laging may nakahanda na tumulong sa inyo."
Dagdag pa niya, "Life is hard but life is also beautiful and we just have to let others in."
Bukod sa mga health advocates, nag-perform din ang Kapuso stars na sina Rochelle Pangilinan at Kokoy De Santos. Nasorpresa rin ang madlang Kapuso nang sumali sa stage ang kilalang content creator at dancer na si Niana Guerrero.
Samantala, malalaman bukas (October 26) kung sino ang tatanghaling grand champion ng "Magpasikat 2024."
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
BALIKAN ANG NAGANAP NA MEDIA CONFERENCE NG IT'S SHOWTIME SA GALLERY NA ITO.