
Isa na namang 'di malilimutang pagganap mula kay young Kapuso actor Miggs Cuaderno ang matutunghayan sa bagong episode ng weekend anthology series na Regal Studio Presents.
Kilala sa mga dramatic roles ni Miggs, pero gugulatin niya ang mga manonood sa isang comedic role sa episode na "My Fake Family."
Gaganap siya dito bilang Cholo, isang matalino at masipag na estudyanteng naghahangad ng isang mahalagang international scholarship.
Bukod sa matataas na grades, requirement sa scholarship ang magandang family background. Wala nang pamilya si Cholo kaya maiisipan niyang bumuo ng pekeng pamilya.
Ang tatay niya ay ang manikuristang si Erning, karakter ni Jem Manicad. Ang nanay naman niya ay ang marites na si Kuring, role naman ni Donna Cariaga. Baby sister naman niya si Marnie, ang pasaway na batang kapitbahay, na gagampanan ni Arhia Faye Agas.
Magtagumpay kaya si Cholo na makuha ang scholarship sa tulong ng kanyang pekeng pamilya?
Abangan ang brand new episode na "My Fake Family," October 15, 4:15 p.m. sa Regal Studio Presents.
Naka-livestream din nang sabay ang episode sa GMANetwork.com/KapusoStream.