
Mapapanood ang Kapuso star na si Miguel Tanfelix sa isang exciting na five-part magazine infotainment special na Planet XP. Ang Planet XP ay partnership ng GMA Network at ng National Council for Children's Television (NCCT) bilang grantee ng 2024 National Endowment Fund for Children's Television (NEFCTV).
Kilala si Miguel bilang dating child actor at award-winning Kapuso star na bumida sa iba't ibang family-friendly programs. Hindi na nakagugulat na si Miguel ang napiling host ng programang hango sa gaming term na “XP” o experience points. Dahil puno ng immersive na adventures ang programang ito, hangad ni Miguel na maihatid sa mga manonood, lalo na sa kabataan, ang tunay na experience sa kalikasan. Dito rin masisilayan ang kanyang hilig sa adventure at travel habang binibisita niya ang iba't ibang panig ng bansa. Makikitang enjoy si Miguel, mapaakyat man siya ng bundok o magpalaot sa dagat sakay ng windsurf.
Layunin ng Planet XP na ipakita ang likas na ganda ng Pilipinas at mga outdoor activities na tiyak na magbibigay ng inspirasyon sa mga manonood.
Sa inihandang five-part episode ng Planet XP, mapapanood ang mga Dumagat sa Norzagaray; Women Weavers of Cavinti, Laguna; Ayta-Mag-Indi Farmers of Floridablanca, Pampanga; Mighty Mountaineers of San Jose, Tarlac; at ang Champion Grassroots Windsurfers of Mabini, Batangas.
Bukod dito, tampok din ang iba't ibang segments na maghahatid ng kaalaman tungkol sa mga lokal na komunidad, natural landmarks, safety tips, pagkain, pangangalaga sa mga hayop, at iba pang makabuluhang paksa.
Abangan din sa ilang episodes ng Planet XP ang cute animated animal Xplorer na si Tammy Tamaraw na magpapakilala sa atin ng iba't ibang uri ng hayop na matatagpuan sa PIlipinas.
Mapapanood ang Planet XP tuwing Sabado, simula May 2, 6:30 p.m. sa GMA.