
Ipinasilip ng professional mixed martial arts fighter na si Erwin Tagle ang maaksyong stunt training nina Miguel Tanfelix, Ysabel Ortega, at Matt Lozano bilang paghahanda sa kani-kanilang roles sa highly-anticipated GMA series na Voltes V: Legacy.
Sa 51-second video na pinost ni Erwin sa kanyang Instagram Stories, mapapanood na gumamit ng firearm si Miguel, na gaganap bilang Steve Armstrong, para mapatumba ang kanyang mga kalaban.
Fierce naman si Ysabel, na lalabas bilang Jamie Robinson, sa kanyang fight stunts kung saan agresibo niyang sinipa at sinuntok ang mga kaaway.
Tulad nina Miguel at Ysabel, all out din si Matt, na bibigyang-buhay ang papel na Robert "Big Bert" Armstrong sa kanyang training kung saan gumamit siya ng combat weapon.
Sa huling parte ng video, ipinakita ng tatlo ang kanilang maangas na fighting form.
Sina Miguel, Ysabel, at Matt ay gaganap bilang mga miyembro ng Voltes 5.
Kasama sa Voltes V team si Radson Flores, na gaganap bilang Mark Gordon, isang rodeo champion.
Tampok din si Raphael Landicho bilang John "Little Jon" Armstrong, ang teen genius ng Voltes V team.
Alamin kung sinu-sino pa ang mga aktor na kabilang sa Voltes V: Legacy dito:
Ang Voltes V: Legacy ay ipo-produce ng GMA Entertainment Group, sa ilalim ng panulat ni Suzette Doctolero at direksyon ni Mark Reyes.
Lahat ng mga materyal na gagamitin para sa programa ay inaprubahan ng TOEI Company and Telesuccess Productions, Inc.