
Masayang pinangalanan ni Miguel Vergara ang ex-housemates niya sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 na naging ka-close niya sa loob ng Bahay Ni Kuya.
Inilahad ni Miguel ang tungkol dito sa exclusive interview sa kanya ng GMANetwork.com nitong Biyernes, March 13.
Unang binanggit ng Star Magic artist at Kapamilya ex-housemate ang pangalan ng Kapuso star na si Heath Jornales, ang ka-tandem ni Miguel sa HeaGuel.
Dito ay inilarawan ni Miguel ang friendship nila ni Heath at kung paano ito nagsimula.
Pahayag niya, “Lahat naman po is naging ka-close ko po pero 'yung mga naging ka-close ko po talaga is una po si Heath [Jornales], kasi 'yun nga po siya po 'yung naging unang duo ko po. Tapos nung naging duo po kami super unexpected po na magiging ganon po kami ka-close and ganon po kami magiging magka-vibe sa isa't isa po.”
“Sa boys po 'yun si Heath, si Inigo [Jose] po, si Rave [Victoria], and si Fred [Moser]. Sa girls naman po siguro 'yung naging best friend ko po sa loob ng Bahay Ni Kuya is si Carmelle [Collado] po,” pahabol pa niya tungkol sa mga naka-close niyang iba pang housemates.
Si Miguel Vergara ang itinanghal na Kapamilya Fourth Big Placer sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 The Big Night, habang si Princess Aliyah naman ang Kapuso Fourth Big Placer.
Nakilala ang Kapamilya housemate sa teleserye ng totoong buhay bilang Adorable Smasher ng Antipolo City.
Napabilang din si Miguel sa Kabataang Pinoy housemates na nasa listahan ng fan-favorite ships sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0.