
Magsisimula na ngayong October ang locked-in taping nina Mika Salamanca, kasama ang mga dating Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition housemates, para sa kanilang family drama mystery series na The Secrets of Hotel 88.
Sa media launch ng ineendorso ni Mika na local perfume brand nitong October 3 sa Noctos Music Bar sa Quezon City, inamin ng Kapuso star na isa sa mga inaasahan niya ay ang mapanood na ng mga tao ang kanilang serye sa susunod na taon.
“Ako po, sobrang saya ko kasi 'yung mga makakasama ko pong cast dito is 'yung mga nakasama ko din sa loob ng bahay (ni kuya). So 'yung lock in po namin, hindi na po siya 'yung parang magiging kapaan pa, ganiyan, kasi sanay na po kami sa isa't isa,” sabi ni Mika.
Isa pa umano sa mga ikinae-excite ng aktres ay kung papaano ang magiging dynamics nila ng dating kapwa housemates kapag nagsimula na ang kanilang taping. Bagamat nakita na niya ito sa mga workshop, kaabang-abang pa rin daw kung papaano sila kapag nasa totoong taping na.
“Paano namin dadalhin 'yung isa't isa, paano namin ide-deliver 'yung mga lines namin, du'n po ako excited. Excited din po ako matuto,” sabi ni Mika.
KILALANIN ANG CAST NG 'THE SECRETS OF HOTEL 88' SA GALLERY NA ITO:
Sa hiwalay na interview sa parehong event, sinabi rin ni Mika, “Kasi closeness, relationship, yes, given na po 'yun, meron na po kami nu'n e, meron na kaming bonding. Pero interesado po akong makita kung paano namin pagsasama-samahin 'yung dynamics namin sa aktingan naman, sa trabaho talaga, kung paano namin 'yun mawo-work around po.”
Tinanong din ng GMANetwork.com si Mika kung ano sa tingin niya ang magiging challenges nila ng mga dating housemate bilang co-stars sa serye.
Ayon sa aktres, “Siguro, pinaka-challenge po na nakikita ko du'n is kung ano din po 'yung advantage namin, which is 'yung closeness naming lahat.”
Pagbabahagi ni Mika, sina Esnyr at Klarisse de Guzman ang ilan sa mga pinakanakakatawang kasama nila sa serye. Kasama rin niya ang mga ito sa upcoming Metro Manila Film Festival movie entry na Call Me Mother, kung saan ipinamalas ng dalawang Kapamilya stars ang kanilang galing sa pagpapatawa.
Kaya naman, pag-amin ni Mika, nahirapan sila sa taping dahil sa pagiging kwela at nakakatawa nina Esnyr at Klarisse.
“Siguro po mahihirapan po kami kasi 'yun nga po, ang funny nila, so what if merong seryoso, hindi namin maseryoso, bigla matatawa kami. Ganu'n po. Pero aside from that, wala naman po akong nakikitang magiging problema naming lahat, they're very professional naman,” sabi ni Mika.