
Mukhang masaya ang puso ngayon ng Pinoy Big Brother Collab Edition Big Winner na si Mika Salamanca.
Sa podcast ng content creator na si Killa Kush, ibinahagi ng Sparkle artist ang kanyang dating life ngayon, kung saan ikinuwento niya na pumayag na siyang magpaligaw sa kanyang manliligaw.
Inamin ni Mika na career muna ang kanyang pokus pagkalabas niya ng Bahay ni Kuya. Ngunit, kalaunan, nagkaroon siya ng manliligaw.
"Pero this person kasi, very persistent talaga, very consistent," sabi niya.
Dagdag pa niya, "Actually, kuwento ko, binasted na siya ng ilang beses. Hindi isang beses, respectfully. And 'yung taong to kasi sobrang ma-respeto, so every time na binabasted ko siya, hindi niya tine-take negatively. Parang nag-aano pa siya, parang nagpu-push pa siya."
Para kay Mika, pinayagan niya itong manligaw dahil “sobrang bait” ng kanyang manliligaw.
Ikinuwento rin ni Mika na nakakatanggap siya ng mga sorpresa mula sa kanyang manliligaw kahit ilang beses na niya itong binasted noon.
"Na-feel bad ako, pero I have to be honest with him. I really have to. Kailangan ko i-communicate 'yung nangyayari sa situation ko ngayon. Kahit masakit, para sa kanya. Kung ano 'yung pakiramdam ko ngayon, kung ano 'yung nararamdaman ko para sa kanya ngayon. Mga ganoong moment," aniya.
Sa pagtagal ng panunuyo sa kanya ng kanyang manliligaw, inamin ni Mika na siya ay “lumambot.”
"Ngayon, pinayagan ko na talaga siya manligaw. And man oh man, ayun 'yung best decision na ginawa ko sa isang tao," pahayag niya.
"Parang sa kanya ko nabigay 'yung ganoong privilege. I must say privilege, para ligawan ako, kasi sobrang sarap mahalin nang tama," dagdag niya.
Ibinahagi rin ng aktres na noong una ay hindi talaga sila compatible, kaya isa rin ito sa mga dahilan kung bakit hindi siya pumayag na magpaligaw.
"Pero inalam niya kung paano ako mahalin," sabi niya.
Mapapanood si Mika sa Saving Cherry sa mga sinehan nationwide simula September 2, kung saan makakasama niya sina Barbie Forteza, Mikee Quintos, AC Bonifacio, at Sassa Gurl.
RELATED GALLERY: Mika Salamanca's looks that prove she can slay any style