
Sa pagbubukas muli ng Bahay ni Kuya at bilang isa sa mga Big Winner ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, may payo si Kapuso star Mika Salamanca sa upcoming housemates.
Sa question and answer portion ng media launch ni Mika bilang bagong endorser ng isang local perfume brand noong Friday, October 3, tinanong ang Kapuso star kung ano ang maipapayo niya sa mga upcoming housemates.
Sagot ni Mika, “Ang masasabi ko, mabuhay talaga kayo sa loob ng bahay ni kuya. Kasi 'yung experience diyan, 'yung kung ilang months man kayo diyan, kung ilang months man kayo magtatagal diyan, mabilis lang 'yan sa paglabas n'yo.”
Saad pa ni Mika, dapat ay i-enjoy lang ng upcoming housemates ang kanilang panahon sa loob ng bahay ni Kuya dahil hindi na sila muling mabibigyan ng pagkakataong makapasok dito.
Pagpapatuloy pa ng aktres, “Hindi na kayo mabibigyan ng ganiyang luck ulit paglabas n'yo na hindi maingay, na merong kayong bahay ni kuya na magshi-shield sa inyo sa lahat ng hate na pwede n'yong ma-receive sa labas.”
May paalala rin si Mika na huwag nilang intindihin ang mga problema mula sa labas ng bahay ni Kuya. Aniya, mas dapat nilang pagtuunan ng pansin ang mga problemang kakaharapin nila sa loob ng bahay.
“Walang maliit, walang malaki. 'Wag n'yo isipin na parang 'Shocks, bakit ko iiyakan 'yung ganitong bagay sa loob? Ba't parang dito sa loob ng bahay, ang liit-liit ko kumpara sa labas?' 'Wag n'yo isipin 'yun. Kasi 'yung problema nýo diyan sa loob, 'yun 'yung malaki diyan, 'yun 'yung isipin n'yo, 'wag 'yung sa labas. Live inside the house,” sabi ni Mika.
Sobrang grateful man si Mika at na-enjoy ang kaniyang panahon sa bahay ni Kuya, sinabi ng Kapuso actress na hindi na niya gugustuhing bumalik muli sa loob bilang isang housemate.
“Alam n'yo po, ang PBB, sobrang laki ng nagawa niya para sa buhay ko. Mahal na mahal ko si Kuya, mahal na mahal ko 'yung bahay, pero hindi po,” sabi ni Mika.
Bukod kasi sa challenges na binibigay ni Kuya, sinusubok din umano ang kanilang pagiging matatag na walang cellphone, limitado ang pagkain, at hindi alam ang oras ng tulog. Pag-amin pa ni Mika, nakakatakot para sa kaniya na isiping babalik siya sa loob bilang housemate.
“Kaya ko po, house guest, pero parang hindi ko na po kayang mag-housemate ulit,” sabi ng aktres.
TINGNAN ANG PAGBABALIK-TANAW NI MIKA SA KANIYANG 'PBB' JOURNEY SA GALLERY NA ITO: