
Isang importanteng tanong tungkol sa pagsisinungaling ang sinagot ng House of Lies stars na sina Mike Tan, Martin Del Rosario, at Kokoy De Santos sa pagbisita nila sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules.
Sa pag-uusap nila tungkol sa pagsisinungaling at kung gaano sila kagaling na gawin ito, inamin ni Martin na ugali niyang itago na lang ang isang bagay para makaiwas sa gulo.
“Kung puwede hindi na lang sabihin para less 'yung away o 'yung gulo, ganiyan. I mean hindi ko lang sure kung kasinungalingan ba 'yun kasi 'pag tinago mo ba 'yung katotohanan, not sure,” sabi ng aktor.
Sa pagpapatuloy ng kanilang kwentuhan, binalikan ni King of Talk Boy Abunda ang sinabing iyon ni Martin at hiningi ang opinyon nila, “Ang pagkukubli ba, ang pagtatago ba ng katotohanan is tantamount to lying?”
Pag-amin ni Martin, dahil guilty siya ay hindi niya alam kung talaga bang kasinungalingan ang pagkukubli ng katotohanan.
Tanong muli ng batikang host, “Meron kasi tayong mga tinatagong bagay dahil ayaw natin makasakit. Is that lying?”
Sagot ng aktor, “Kasi anything na hindi katotohanan ay kasinungalingan. Siguro white lie. May good intentions, but still a lie.”
TINGNAN ANG ILANG BEHIND-THE-SCENES NG PICTORIAL PARA SA 'HOUSE OF LIES' SA GALLERY NA ITO:
Para naman kay Mike, ang lagi niya umanong tanong ay kung tinanong ba siya tungkol sa kinukubli niyang impormasyon.
“Kasi kung tinatago mo lang naman pero hindi ka naman tinatanong, hindi ka pa nagsisinungaling. Pero kung tinanong ka na, ta's tinago mo pa rin or nagsinungaling ka na, 'yun, nagsinungaling ka na,” sabi ng aktor.
Panoorin ang panayam kina Mike, Martin, at Kokoy De Santos dito: