
Ang frontal nudity ay isa sa mga pinaka-daring na maaaring gawin ng isang aktor para sa isang proyekto. Kaya naman, hindi lahat ay aminadong kayang gawin ito. Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, sinagot nina Mike Tan, Martin Del Rosario at Kokoy De Santos kung kaya ba nilang gawin ang naturang eksena.
Kamakailan lang ay bumida si Martin sa stage play na Ang Anino sa Likod ng Buwan kung saan, pag-amin ng aktor, ay “nagpakita ako ng konti.” Sabi niya ay handa naman siyang gumawa uli ng frontal nudity para sa isang stage play, ngunit hindi para sa TV o pelikula.
“Because 'yung sex one is important, du'n sa 'Anino sa Likod ng Buwan', 'yung sex du'n is a form of weapon so very important 'yung sex du'n sa istorya,” sabi ng aktor.
Inamin din ni Martin na noong una, nakaramdam siya ng kaba lalo na at alam niyang marami ang nanonood. Ngunit noong nasa eksena na sila ng kaniyang co-stars, “parang may sarili ka nang mundo, e, parang dilim na lang lahat.”
“Parang nandu'n ka na sa mundo ninyo. Tapos tatlong characters lang kami for the whole play so parang isipin mo, 1 hour 45 minutes, mafi-feel mo na ikaw na talaga 'yung character, isang one long journey siya,” sabi ni Martin.
TINGNAN ANG ILAN SA MGA FITSPIRATION NA LEADING MEN SA GALLERY NA ITO:
Hindi rin pabor si Mike sa paggawa ng frontal nudity sa TV o pelikula at para sa kaniya, mas madali umanong ipaliwanag sa kaniyang mga anak kung gagawin niya ito sa isang stage play.
“Kapag naglakihan na ['yung mga anak ko], lagi kong iniisip 'yung family ko. Kapag in-explain ko sa mga anak ko, 'O, nagkaroon ng frontal nudity si daddy sa ano,' pero walang pruweba, walang video. Safe space kasi ang theater, e,” sabi ni Mike.
Ngunit paglilinaw ng aktor, hindi naman siya against sa mga aktor na kaya iyong gawin, lalo na kung may kakayanan naman silang ipaliwanag ito sa kanilang pamilya.
Samantala, para naman kay Kokoy, “Kung kailangan, TIio Boy, du'n sa play at talagang gusto ko 'yung materyal, bakit hindi naman? Willing.”