
Hindi pa nakakatanggap ng hate comments si Kapuso actor Mike Tan kahit na gumaganap siya bilang kontrabida sa GMA Prime suspense drama series na Love. Die. Repeat.
Gumaganap siya sa serye bilang Elton, ang ex-boyfriend ni Angela (Jennylyn Mercado). Patuloy na ginugulo ni Elton ang dating nobya kahit kasal na ito kay Bernard (Xian Lim).
"Masaya ako kasi naiinis sila doon sa character ko. Ibig sabihin naa-appreciate nila 'yung trabaho naming lahat, naapektuhan sila," pahayag ni Mike tungkol sa mainit na pagtanggap ng mga manonood sa kanyang karakter.
Utang daw niya ang magandang performance niya sa mga taong katrabaho niya.
"Hindi rin naman magiging effective 'yung chracter ko without our director, si direk Jerry Sineneng. Kung wala din doon si Xian at si Jen, si Valeen [Montenegro], hindi rin magiging effective 'yung role ko. Parang maging effective 'yung role ko bilang villain, kailangan mag-react din sila nang maayos kung papano ko ginagawa 'yung atake ko. I think napapansin nila 'yun kasi magaling din 'yung mga kasama kong artista," lahad ni Mike.
Ibinahagi rin niya kung paano niya nabuo ang kanyang karakter.
"Two years ago, noong ginawa namin siya, nakikipag-usap na ko kay direk Irene (Villamor) kung paano namin binubuo 'yung character. Actually naka dalawang meeting kami, dalawang beses ko siyang pinuntahan doon sa cabin niya kung saan siya nag-i-stay para mabuo ko 'yung charcter talaga ni Elton. Medyo malaking part 'yung ginagawa ni Elton para doon sa mga loops so kailangan kong malaman. Kailangan ko malaman kung saan nanggagaling si Elton, kung anong klaseng pamilya ang meron siya para maintindihan ko kung saan siya nanggagaling as a person. Bakit ganoon 'yung ugali niya. Bakit siya obessessed kay Angela. Lahat 'yun kailangan kong buuin sa isip ko," paliwanag niya.
Sa Love. Die. Repeat., isang babae ang masa-stuck sa isang time loop kaya paulit-ulit niyang nararanasan ang araw kung kailan namatay sa isang vehicular accident ang kanyang asawa.
Sa ikatlong linggo ng Love. Die. Repeat., maililigtas na ni Angela si Bernard mula sa kamatayan pero marami pang paulit-ulit na pagkakamali ang haharapin nila.
Patuloy na tumutok sa Love. Die. Repeat., Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime. Mapapanood din ito sa GTV sa oras na 10:50 ng gabi.
Maaari rin itong mapanood via livestream online sa Kapuso Stream.