
Nineteen years na ang nakalilipas nang magwagi si Mike Tan sa GMA reality artista search na StarStruck.
Itinanghal siya bilang Ultimate Male Survivor para sa second season ng programa. Si Ryza Cenon ang nag-uwi ng titulong Ultimate Female Survivor sa kanilang batch.
Sa online exclusive video ng GMA na pinamagatang 'Name Drop' challenge, binalikan ni Mike ang kanyang StarStruck journey sa pamamagitan ng pagsagot sa intriguing na tanong tungkol sa kanyang batchmate.
Dito ay walang takot na pinangalanan ng aktor kung sino ang kinaiinisan niya sa kanilang batch.
Mabilis niyang sagot, "Si Kirby De Jesus."
Dugtong na paliwanag ni Mike, "Si Kirby kasi 'yung nag-uumapaw sa self-confidence noon. Tapos sasabihin namin, lahat kami naiinis sa kanya, ang yabang mo, tapos lahat kinokompronta n'ya."
Matatandaang nagkaroon nang hindi pagkakasundo sina Mike at Kirby sa StarStruck season two.
Nagkainitan sila dahil kay Krizzy Jareño dahil, pag-amin ni Kirby, hindi naging maganda ang pagtrato nito sa babae. Naging close noon sina Kirby at Krizzy kaya minsan ay wala na sa lugar ang paninigaw ng lalaki sa kanyang babaeng batchmate. Nililigawan noon ni Kirby si Krizzy, na ikinagalit ni Mike dahil sa pagmamataas ng boses ng una.
Nilinaw naman ni Mike na naayos din naman ang gusot nila ni Kirby noon.
Patuloy ni Mike, "Pero okay kami ni Kirby ngayon. After StarStruck, during StarStruck, magkakabati naman kami, magkakaibigan naman kami pero, during that time naman, inis na inis kami kay Kirby. Parang lahat gusto kami awayin ni Kirby. Lahat naman tapos na, tapos okay kami lahat. We're all good friends now."
Sa ngayon, nagtatrabaho si Kirby sa UAE bilang realtor.
Samantala, patuloy ang pag-aartista ni Mike na kasalukuyang napapanood sa GMA Prime series na Love. Die. Repeat. kung saan co-star niya si Jennylyn Mercado, na isa ring produkto ng StarStruck. Si Jen ang kauna-unahang female winner ng nasabing reality show.
Mapapanood ang Love. Die. Repeat. weeknights, 8:50 p.m. sa GMA at Pinoy Hits.
Available din ito online via Kapuso Stream kasabay ng pag-ere sa TV.
May replay naman ang serye sa GTV sa oras na 10:50 ng gabi.
Mula sa produksyon ng GMA Entertainment Group, ang Love. Die. Repeat. ay mula sa direksyon nina Jerry Sineneng at Irene Villamor.