
Siguradong matutuwa ang fans ng tambalan nina Mikee Quintos at Kelvin Miranda dahil reunited ang dalawang Kapuso stars sa upcoming telemovie na "Promises to Keep," na bahagi ng weekend anthology series na Regal Studio Presents.
Matatandaang unang nagtambal sina Mikee at Kelvin sa historical fantasy series na The Lost Recipe. Dahil sa kanilang chemistry on and off camera, nagkaroon sila ng masugid na followers na laging humihiling ng reunion project para sa kanila.
Kaya naman kaabang-abang ang kanilang mga karakter sa "Promises to Keep."
Si Mikee ay si Jenny, ang babaeng babalik sa kanyang childhood home matapos ang ilang taon sa Maynila at sa Amerika.
Si Kelvin naman ang kanyang kababatang si Eloy, na isang dekada nang naghihintay sa kanya.
Childhood BFFs ang dalawa kaya sa araw ng pag-alis ni Jenny, nagbitiw sila ng mga pangako sa isa't isa.
Nangako si Jenny na babalikan si Eloy. Kapalit nito, nangako si Eloy na hihintayin si Jenny.
Ang pag-uwi ba ni Jenny ang pagtupad niya sa pangako kay Eloy o may iba pa bang rason ang pagbabalik niya sa probinsiya?
Abangan ang muling pagtatambal nina Mikee at Kelvin sa "Promises to Keep" sa Regal Studio Presents, October 17, 4:35 pm sa GMA.