
Nagbigay ng panibagong detalye si Megastar Sharon Cuneta sa inaabangang pelikula nila ni Asia's Multimedia Star Alden Richards, kung saan gaganap sila bilang mag-ina.
Sa Instagram post ng batikang singer-actress, ibinahagi niya ang dalawa pang artistang makakasama nila sa proyekto, sina Miles Ocampo at Tonton Gutierrez.
"Surprise! With our other co-stars Miles Ocampo and TonTon Gutierrez!!!," sulat ng Megastar sa caption.
Sumailalim din sina Sharon, Alden, at Miles kasama ang co-star nilang si Ina Feleo sa ikalawang araw ng kanilang workshop, base sa post ng kanilang direktor na si Nuel Naval.
Ang pelikulang gagawin nila ay ipo-produce ng Cineko Productions sa ilalim ng panulat ni Mel Del Rosario.
Bago ito, may ginawa ring pelikula si Alden kasama si Julia Montes na pinamagatang Five Break-ups and a Romance.
Samantala, patuloy din ang paglabas sa telebisyon ni Alden at ng kapwa niya GMA artist na si Ina.
Si Alden ang host ng upcoming talent competition na Battle of the Judges, samantalang may bagong seryeng ginagawa si Ina matapos ang GMA Telebabad series na Hearts on Ice na finale na sa Biyernes, June 16.
Mapapanood si Ina sa upcoming Kapuso series na Love. Die. Repeat., na pagbibidahan ni Jennylyn Mercado at ng Hearts on Ice co-star niyang si Xian Lim.
SAMANTALA, TINGNAN ANG ILANG PAGSASAMA NG KAPUSO AT KAPAMILYA STARS DITO: