
Isang karumal-dumal na krimen ang tumapos sa buhay ng isang misis nang siya ay pugutan ng ulo ng kanyang mister. Ito ang kontrobersyal na istoryang tampok sa bagong 'Wish Ko Lang' ngayong Sabado.
Nang dahil sa selos at pagkalango sa droga, nagawa nang isang mister na patayin ang kanyang misis.
Natagpuan ang bangkay ng asawa sa loob ng banyo na may tama ng baril at may hindi bababa sa 30 saksak sa katawan.
Ang masaklap pa ay nasaksihan ng kanilang apat na taong gulang na anak na babae ang buong pangyayari.
Nang makalabas sa bahay ang bata, hinabol ito ng kanyang ama at ginawang hostage.
Nagsisigaw sa takot ang mga kapitbahay nang makita sila at tumawag ang mga ito ng pulis.
Sina Kris Bernal at Ahron Villena ang gaganap bilang mag-asawa sa “Pinugutan” episode ng bagong 'Wish Ko Lang.'
Kasama rin nila dito sina Aira Bermudez, Barbara Miguel at Prince Clemente.
Nagbigay ng kanyang opinyon ang 'The Lost Recipe' actor na si Prince Clemente tungkol sa isyu ng pagseselos sa isang relasyon.
Ayon kay Prince dapat tantsahin din ng mga tao kung healthy pa ba ang pagseselos ng kanilang karelasyon.
“Sa akin hindi na healthy ang pagseselos 'pag talagang wala namang dahilan para magselos. Okey lang naman magselos basta meron namang dahilan.”
At ayon din sa kanya kung seloso o selosa man ang iyong partner ay dapat bigyan mo siya ng pagkakataong bauguhin ito.
“Siyempre dapat bigyan muna natin ng chance ang ating partner, dahil normal lang naman talaga ang selosan sa relationship.
“Pero 'pag sobra-sobra na at toxic na masyado, siguro oras na din kumalas.”
Binigyang diin din ng Kapuso hunk na importante ang communication at reassurance para hindi magselos ang iyong karelasyon.
“Dapat talaga nag-uusap kayo palagi ng partner mo para alam niyo 'yung gagawin parehas.
“I-assure mo siya na wala naman dapat pagselosan, at siya lang naman ang gusto mo, wala nang iba.”
At para kay Prince, mas mainam na huwag nang bigyan ng isa pang pagkakataon ang iyong karelasyon kung talagang mahuhuli mo ito sa aktong nangangaliwa.
“Iwan na agad. Dahil wala namang valid na sagot para mag-cheat, at 'pag nagawa niya once at pinatawad mo, hindi malabong gawin niya 'to ulit sa'yo.
“Kung meron na siyang ibang nagugustuhan dapat kinausap kana muna at nakipaghiwalay siya bago magsimula ng bagong relasyon.”
Alamin kung paano makakakuha ng hustisya ang mga kaanak ng pinugutang misis at kung paano sila tutulungan ng Fairy Godmother ng Bayan na si Vicky Morales na makabangon at makapagsimula muli matapos ang bangungot na ito.
Abangan 'yan sa bagong 'Wish Ko Lang' ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.
Vicky Morales grateful for warm reception to all-new 'Wish Ko Lang' episodes